Sa tamang panahon, babalik ako at maniningil. Ipaghihiganti ko ang kamatayan ni Itay...
"Taglay mo na ang marka, Lara!" Kasunod ng boses na iyon ang pagbukas-sara ng mga bintana. Umalingawngaw sa paligid ang makapanindig-balahibong pagtawa. Sa likod ng naggagalawang kurtina ay naaninag niya ang isang anino...
Habol ang hiningang nagmulat siya ng mga mata. Isa lang palang masamang panaginip iyon. Ngunit laking panggigilalas niya nang makitaan niya ng tig-isang patak ng dugo ang mga braso niya.
Nagsimula ang sunud-sunod na bangungot kay Lara mula nang matagpuan niya ang dalawang pahinang mukhang napilas sa isang diary. Natagpuan niya iyon sa basement ng ancestral house ng best friend niyang si Miguel.
Tatlong bala ang bumaon sa puso ni Itay... Sariwang dugo ang umagos mula sa kanyang mga sugat. Ang babaeng iyon, magbabayad siya... magbabayad ang pamilya niya! Daranasin nila ang sakit na idinulot ng kamatayan ni Itay...
Tataglayin nila ang marka... marka ngkamatayan! Tatlong patak ng dugo. Tanikala ng kamatayang mapuputol lamang ng isang wagas na pag-ibig--ng magkalabang dugo. At sa kamatayan ng isa magtatapos ang aking paniningil...
Ano ang kaugnayan niya at ni Miguel--na ninuno ang babaeng kumitil sa buhay ng ama ng mapaghiganting kaluluwa--sa sumpang iyon? At ngayong isang patak ng dugo na lamang ang kulang niya, paano pa niya matatakasan ang kamatayang nakatakda sa kanya?
Andrei Alexis is a Filipino novelist who wrote Death Mark for the Malikmata imprint of Precious Pages Corporation. She also writes under the pen name, Victoria Amor, for the Precious Hearts Romances imprint of the same publishing company.