Ang Isang Dalumat ng Panahon ay isang tangka sa diskursong teoretiko hinggil sa rendisyon ng temporalidad na maituturing na “Filipino.” Bilang pangunahing tuon at pamamaraan nito, bumabaling ang aklat sa panitikan, sa kritikal na pagbasa nito sa iba’t ibang teksto tulad ng mga talang pandiksiyonaryo, mga pag-aaral sa larang ng araling Filipino, at mga tula. Mula sa mga ito, umuusbong ang pagpapahalaga sa panahon bilang dalumat ng pagkakataon para sa mga bagay upang maging anupaman. Higit na pinalalawig ang ganitong pagtataya sa pagsasaalang-alang sa iba pang mga kakawing na kaisipan, tulad ng alamat at kasaganaan; materyalidad at dating ng mga bagay; tropo at tropikalidad; kontemporaneidad at kasaysayan; at pag-ibig at talinghaga. Sa gayon, isinasanay ng aklat ang isang mungkahi, kung hindi man panibagong, wika upang mapag-usapan ang panahon, sampu ng partikular na paggana nito sa mundong Filipino.
3. Subalit ang pinakamayabang sa lahat, itong yabang na di lang pampanitikan, kundi pangkultura. Hindi lang mga titik at letra at talinhaga, kundi mga kibo’t galaw sa pang-araw-araw na buhay, mga pandama, mga pamamaraan ng pamumuhay. Kopya ni Christian Benitez kay Miguel Bernad: “It is amusingly ironic that some Filipinos actually glory in their ability to be punctual, cheerfully citing ‘Filipino time’ as if it were something to brag about” (mula sa Isang Dalumat ng Panahon, 2).
“…na animo isang bagay itong maipagmamalaki,” salin ni Benitez sa huling bahagi ng Ingles ni Bernad. Mula malalaking kulangot na kinumpol-kumpol upang maging kaaya-ayang bola sa dingding ng silid ni Rant, hanggang malalaking Ingleserong ‘pamilyang pampanitikan,’ nagsisilaban ng mga ginintuang apoy na pang-literature, hanggang sa pagiging late sa mga pagtitipon, huli sa mga pagpupulong, ‘Filipino time’ bilang kolonyal na bagahe, pagkutya sa nangolonya, nagmamabagal sa harap ng modernong nagmamadali?