"Mark, Sana mahanap mo ang iyong sarili sa mga pahina ng librong ito. -Josue Mapagdalita"
Ganito ang mensahe sa dedikasyon sa akin sa unang pahina ng librong nakuha ko mula sa awtor. Isang adventure. Kaya sinimulan ko ang paglalakbay mula sa kilometer zero na parang isang kaluluwa na naghahanap ng kwento na makakapagpabalik sa kanya bilang isang tao. Kaluluwang naghahanap ng sarili sa bawat kwento na nadadaan niya. Kwentong inaasahan niyang kahit papaano ay mararamdaman niya. Iyong masasabing niyang siya ito nung siya'y nabubuhay pa. Iyong makaka-relate siya.
Habang nililipat ko ang pahina, nalibot ko ang ilang lugar sa Maynila. Dinala ako sa iba't-ibang pananaw at sitwasyon. Nakasalubong ako ng iba't ibang kwento ng pag-ibig. Pag-ibig na nagsasakripisyo, nagpapaalam, naghihintay, nagagalit, nangungulila, o nagtatampo. Nakakita ako ng mga kwento ng lihim na pagmamahal, may marupok, may umaasa, may natatakot, may nagpapaubaya, may nag-aalala, may umaalalay, may umiintindi, may nagpapakatanga o kwento ng gustong sumubok uli. Mayroong ding kwento ng pagkakaibigan, ng batang ikaw, ng anak sa magulang, ng mga commuter at empleyado, kwento sa bayan at kahit kwento ng hiwaga ay may nakasalubong rin ako. Sa haba ng paglalakbay ko, at sa dami ng kwentong nasalubong ko, nakakagulat at hindi ko nakita ang sarili ko. Bawat pagtatapos ng dagli ay napapagod ako. Tila mas pinipili kong magpahinga kaysa magpatuloy.
Mabilis basahin ang libro, dadalhin ka nito sa iba't-ibang estado at pananaw ng buhay, ngunit mabilis mo din itong makalimutan. Bukod sa dahil ito'y mga pahapyaw lang at mga dagli. Wala ring pagkakakilanlan ang mga tauhan sa kwento. Minsa'y nakakalito pa kung sino na ang nagsasalita kaya ilang beses ko inuulit para maintindihan. Madalas ako ng maligaw. May bitin ang ilang istorya, mapapaisip ka kung anong sumunod na nangyari pero saglit ko lang ito binigyan ng importansya kasi hindi umaabot ang interes ko sa personal na lebel. Hindi ko naman nga kasi sila kilala, walang edad, sekswalidad o pangalan, nawawalan ka kaagad ng pakialam at interes. Parang panaginip lang na di mo na maalala kapag nagising ka. Parang tsismis sa iyo ng isang marites tungkol sa taong hindi mo naman kakilala. May suntok ang mga kwento, ngunit nakulangan ako sa bigat ng mga ito. Masyadong mabilis ang mga ito para ma-absorb ng utak at ng puso ko. Hindi ko tuloy masyadong naramdaman. Hindi tuloy tumatatak sa akin. Mali sigurong hindi ko pa nasisimulan ang biyahe'y mayroon na akong hinahanap, kaya nang hindi ko ito natagpuan ay na-disappoint lamang ako.
May mga dagli rin na para yatang masyadong matalino para sa akin, hindi ko kasi naintindihan. Hindi ko na inulit basahin. Siguro nga'y hindi ako invested sa mga ito o sadyang hindi lang kaya ng kapasidad ng utak ko. May mga pagkakataong invested ka na, tapos biglang tapos na. Kasabay nang panibagong kwento at panibagong investment kaya siguro nakakapagod.
Sa kabilang banda, ginamit ko ang kopya ko ng "Mula sa Kilometer Zero" para magsimula mag-annotate ng libro sa unang pagkakataon. May mga kakaibang paggamit kasi ang awtor sa mga salita na nagustuhan ko. Tila kumikiliti sa akin tuwing nadadaanan ko. Ito ang naging gasolina ko para tapusin ang libro.
["nagbigay ang langit ng malaking puwang para sa araw", "pinutakte ng upos ang bahaing bangketa", "binisita ng takipsilim ang pintuan", "tila sanggol na tinakasan ng kabusugan sa pisngi", "humipo sa balat niya ang huling sinag ng dapithapon", at marami pang iba]
Hindi ko alam kung in-annotate ko ba ito dahil may bigat ang mga salita o bumigat lang ang mga salita dahil in-annotate ko, pero na-enjoy ko naman ito. Hindi ko masasabing nagustuhan ko ang libro, dahil hindi ko rin naman ito sa ayaw. Siguro dahil hindi ko genre ang ganito, at ganito lang talaga kapag Dagli. Nakakabitin. Siguro hindi lang talaga ganitong libro ang para sa akin. Hindi ko naman sinasarado na baka sakali sa susunod na mga libro't istorya niya'y makita ko na ang hinahanap ko.
Irerekomenda ko pa din basahin ninyo ito. Kung hindi para sa akin, baka ito ay para sa'yo. Baka sakaling sa paglalakbay mo mula sa kilometer zero, mahanap mo ang iyong sarili.
Patuloy ko pa ding aabangan ang mga susunod na kwento ng "Mula sa Kilometer Zero" bilang isang ligaw na kaluluwang naghahanap ng sarili. Bilang isang mambabasang umaasang sa mga susunod ay mahanap na ang kanyang kwento. Baka sa susunod mas magaganda na ang madaanan ko.
Salamat sa karanasan. @josuemapagdalita