Jump to ratings and reviews
Rate this book

Sa Aking Panahon

Rate this book
Labintatlong istorya ... sa sakop ng 15 taon (1959-1973). Pinili nang may pagbibigay ng higit na halaga sa isang seleksiyon na mas mabisang makapagbibigay-kulay at buhay sa kapahayagan ng isang tema: ang pakikipagbuno ng awtor sa isang demonyong kung tawagi'y Literatura sa isang haba ng panahong sumasakop sa pagbibinhi, pag-uugat, at pagsusupling hanggang sa makapamulaklak ng yabang at makapamunga ng sungay. Ang mga araw ng pagsisimula sa pangangapa. Ang mga araw ng pagsisikap na matuto at mahasa. Ang mga pagbabago habang nahihinog mula sa pamamaraan at dampot ng mga salita hanggang sa hugot ng paksain at kapangahasang manggiba sa balag ng tradisyon ... (Mula sa Paunang Salita)

213 pages, Paperback

First published January 1, 2006

11 people are currently reading
229 people want to read

About the author

Edgardo M. Reyes

22 books83 followers
Edgardo M. Reyes is a Filipino male novelist. His literature first appeared in the Tagalog magazine, Liwayway. His novels include Laro sa Baga, and Sa mga Kuko ng Liwanag. He is also the one of the authors of the critically-acclaimed anthology.

Ratings & Reviews

What do you think?
Rate this book

Friends & Following

Create a free account to discover what your friends think of this book!

Community Reviews

5 stars
53 (55%)
4 stars
20 (20%)
3 stars
11 (11%)
2 stars
7 (7%)
1 star
5 (5%)
Displaying 1 - 13 of 13 reviews
Profile Image for K.D. Absolutely.
1,820 reviews
October 18, 2012
Ang aklat na ito ay binubuo ng 14 na maiikling kuwento ng aking paboritong si Edgardo M. Reyes. Mga kuwentong sinulat niya mula 1959 hanggang 1973 at may isang pahabol na sinulat niya nong 1994. Unang nalimbag ito noong 2006 at namatay si Reyes ngayong taong ito, 2012.

Bago magsimula ang bawat kuwento ay sinaysay niya ang mga nangyayari sa buhay niya sa panahong sinusulat niya ang kuwento. Nagsimula ito sa pagiging construction worker niya matapos na siya ay mag-drop out sa kolehiyo. Hanggang sa matuklasan siya bilang isa sa mga manunulat ng pangkat na tinuturing na may bagong dugo sa Liwayway. Hanggang sa mapunta siya sa Bulaklak. Hanggang sa pagsusulat niya ng mga nobela niya kasama na ang kanyang obrang Sa Mga Kuko ng Liwanag (5 stars). Hanggang sa ika-14 na kuwentong napaloob dito na parang pahabol at pagsira sa desisyon niya noong 1973 na di na siya gagawa pa ng maikling kuwento.

Kapag kinuha ang average ng mga ratings ko sa bawat isa sa labing-apat na kuwento ay 3.57. Itinaas ko na sa 4.00 dahil na rin sa mga magagandang anekdota na isinama ni Reyes bilang panimula sa bawat kuwento. Napahanga ako sa kanyang simula. Walang alam na trabaho kundi bumalik sa construction para maging piyon. Kung kayat noong makahawak ng pudpod na lapis at dinugtungan ito at nagsimulang magsulat. Di nahiya sa mga kasama kapag pinaguusapan ang literatura at mga manunulat na mga banyaga. Sumabay lang at natural na talento ang inilabas.

1) Unang Patak ng Luha. 1959. 2 STARS
Maganda ang unang bahagi ng kuwento. Nakapagpagunita sa akin ng aking kabataan. Ang paglalaro sa ulan. Ang mga laruan kong galing sa Maynila na kinaiingitan ng mga kalaro ko sa probinsiya. Ang pagbabawal sa pagiyak dahil lalaki ako. Pero yong ending, parang bitin. Oo, umiyak ang tatay niya dahil parang malubha ang sakit niya. Tapos?

2) Buhay. 1960. 5 STARS
Ito yong kuwentong nasampolan ko, dahil kasama sa antolohiyang iyon, sa Mga Agos Sa Disyerto. Noong unang mabasa ko ito, sobrang lungkot ko. Noong binabasa ko kagabi, di ko na inulit. Ayaw ko ulit malungkot. Buo ang kuwento. May saysay ang pagsabog ng pansit sa dulo. Ito ang ginusto at ikinagugusto ko sa pagkukuwento ni Edgardo M. Reyes. Pulido. Di lang may kurot sa puso. May antig. May pintig. May pulso. May buhay.

3) Tumatawang Larawan. 1961. 3 STARS
Sobrang lungkot dahil may suicide. Di lang ako maka-relate dahil personally, di ako mahilig uminom kapag may problema. Naranasan ko kamakailan ang makaramdam ng na-etsa puwera. Mga kaibigang iniwan ako sa ere na parang ang dami kong nagawang kasalanan. Pinagkaisahan. Masakit yon. Kaso, di naman ako maglalaslas ng leeg para sa mga taong ayaw ako bilang kaibigan. Maganda ang pagkakakuwento pero parang di ko rin gusto ang ending. Makatawa ang larawan. Parang yon lang larawan sa pelikulang In the Bedroom. Nakakainis dahil nakatawa. Isa pa, tapos?

4) Isang Balutang Pansit. 1961. 4 STARS
Isang baldadong dating kargador ang kulang ang pera kaya di makakain ng pansit. May isang bibili na kulang din ang pera. Pinagsama para makabili pero dapat sa isa lang mapunta. Ayon sa dulo, kagaya ng pangalawang kuwento, bumigay din ang pansit. Di singganda, pero gustong gusto ko pa rin. Nakakatawa noong 70's, wala pang McDo o Jollibee kaya ang uwi ng isang ama sa mga anak ay either pansit o siopao. Alam ko, dahil ang tatay ko noon ganyan. Tapos kapag suweldo, minsan may fried chicken from Savory.

5) Lugmok na ang Nayon. 1962. 3 STARS
Ganoon talaga sa probinsiya. Noon. Masyado pang hospitable. Kapag may bisita, sa kanya ang kama at lilipat kami sa sahig. Ipagluluto pa ng masarap na ulam. Pag kasya sa budget, sahog na lahat. Pag hindi, bisita lang ang masarap ang ulam. Hindi na ngayon. Hah! Manigas kayong mga bisita. Kung anong pagkain andyan, yan na yon. At sa sahig ka, kami sa kama.

6) Si Ama. 1964. 3 STARS
Malungkot. Tradisyonal na ama sa isang patriarkal na lipunan. Ang nasabing ama ay siyang laging nasusunod. Masipag. Di nangungutang pero di naman nagpapautang. Nagsikap ang mag-asawa na mapatapos ang 4 na anak. Hanggang sa huling sandali ay matigas pa rin ang ama na lahat ng gusto niya ay siyang masusunod. Nagustuhan ko ang prinsipyo pero sana'y umayon na rin siya sa mga pagbabago. Ang bungalow. Di pa ako nakabasa ng maraming Palanca-award winning short stories, pero parang kulang. O sobrang tumaas lang ang ekspektasyong ko dahil kay Paolo?

7) Kung Saan Tubo. 1964. 4 STARS
Naala-ala ko tuloy yong mga pinsan kong mga-taga rito sa Maynila noong nakatira pa kami sa isla. Sila yong mga mayayaman na halos araw-araw ay hotdog o bacon ang kinakain sa umaga. Samantalang kami sa isla ay pandesal at kape lang. Minsan, wala pang palaman. Kapag nagbabakasyon kami sa Baguio ay dala-dala ang punto (accent) ng mg probinsiyano at tinatawanan nila. Magagara ang kanilang mga bihis at kami ay kupasan dahil hiraman lang at ang pinaglumaan ay laging nasa bunso (ako). Pero nababaliktad ang panahon. Parang gulong. Kaya malamang sa hindi, si Cristina ay mayaman na ngayon at ang mga talipandas na mga tunay na anak ay hindi. Pero fiction ito. Nadadala naman ako. Nagustuhan ko rin dito yong style ni Reyes na di nagsasalitang masyado ang karakter pero sa kanya umiinog ang kuwento. Galing.

8) Daang Bakal. 1964. 5 STARS
Grabe. Ganda. Yong pagsasalit-salit ng punto de bista, may naka-italics at hindi. Naala-ala ko ang The Grapes of Wrath ni Steinbeck. Nakuha pati yong imahen ng mga manggagawa sa tren na nakalupaypay sa pagod paguwi sa hapon. Hay, para akong idinuduyan sa saya habang nagbabasa ng kuwentong ito. Dahil ang ama ni Reyes ay matagal na nagtrabaho sa konstruksiyon ng tren, alam na alam ni Reyes ang isinusulat niya. Parang tribute ba ito sa tatay niya? Maaari 'di ba? At kung nasaan man ang tatay niya, siguradong proud iyon sa kanya.

9) Ang Kayamanan ni Ingkong Talyo. 1966. 5 STARS
Parang dapat 4 stars lang ito kasi bitin ang ending para sa akin. Hindi nag-justify ng means, ika nga nila. Sana, magdusa yong bata sa ginawa niya. Oo nga't sa huling pangungusap ay malamang iyan ang mangyari pero nasa isip na lang natin yon. Gusto ko sana, may ilang pangungusap pa na liwanagin dahil sobrang hindi tama ang ginawa nya. Pero, wala pa rin akong masabi sa pagkakahabi ng kuwento. Ganda.

10) Ang Bahay na Iyon. 1967. 3 STARS
Maayos pa ring ang kuwento. Flawless. Nakakatakot. Naramdaman ko yong takot. Di ko akalain na marunong si Reyes manakot. Pero yong ending. Parang nang-iwan sa ire. Bakit makakasira ng pagkakaibigan nila? Bakit ganoon na lang? Bakit di bakuran ang lugar na yon? At... may ganitong klaseng lugar sa Shaw Boulevard? Malapit sa House of Sin? Saan yon? Punta tayo!

11) Paalam sa Isang Kaibigan. 1968. 4 STARS
Nagustuhan ko yong anggulo ng friendship between two straight males. Si Reyes kasi straight yan eh. Marami na akong nabasa sa akda niya at isa lang ang nobelang may karakter na bakla at tago pa. Tomador. Ex-construction worker. College dropout. Mahilig sa chicks. Yosi boy. Isa sa mga manunulat na barakong-barako (isa pa dyan si Norman "Wasak" Wilwayco) ang dating. Tapos may ganitong sinulat. Bording on bromance. Galing. Dama mo yong wasted relationship sa dulo. Sayang din ang mga friendships na dati eh kalakas-lakas. Tapos dahil lang sa mga inggit o intriga o pride ay biglang masisira at di na babalik kailanman.

12) Ang Gilingang Bato. 1972. 5 STARS
Syet. Mapapamura ka sa ganda. Tsong ito na. Best short story in Filipino ever. So far. Walang sinayang na salita. Maikli pero kumpleto na puwedeng gawing isang mahabang nobela. Sa unang pangungusap na Walang nakakaalam kung gaano na katanda ang gilingang bato. hanggang sa dulo ay para kang kumakain ng ice cream na nanamnamin mo talaga sa dila mo ang tamis. Parang ayaw mong uminom ng tubig o lumunok ng laway para mahaluan ang lasa ng ice cream. Hay, hahaba lang lalo ang rebyu na ito pag di ko pa tinapos.

13) Orasan. 1973. 3 STARS
Naala-ala ko rito ang Père Goriot (Old Goriot) ni Honore de Balzac. Di lang nga sing-lungkot dahil wala namang death scene dito. Ang gusto ko rito ay yong karakter ng matanda pero para sa aking ang 70 ang di pa talaga katandaan lalo na kung nago-opisina ka at ikaw ang amo. Ang biyenan kong lalaki ay 94 years old na noong isang linggo. Nag-retire din noong 70 pero kung tutuusin ay parang hanggang 90 ay puwede pa. Matalas pa ang pagiisip. Last year lang ang father-in-law ko nagsimulang nahirapang lumakad. Pero nakakalakad pa rin siya ngayon. Sa kuwentong ito, nagustuhan ko ang open ending. Pakahulugan na hindi na masyadong titingin si Mr. Noble sa relo. Parang kalayaan na rin sa nakasanayan. Simple lang. Pero may laman at malinaw ang mensahe.

ito yong isa pa...

14) Isang Pares ng Glab. 1994. 3 STARS
Simple rin ang istorya. Tungkol din sa mga mahihirap na tao na pinaligaya ng isang napulot na pares ng glab (boxing gloves) sa isang basurahan. Pinararamdam na ang liksi ni Ping ay namana niya sa kanyang sundalong ama na tinatawag na pusa pero namatay rin sa ika-apat na engkuwentro dahil sundalo ito. "Hindi sila naging boksingero" pahiwatig na nagtapos ang pangarap nila dahil sa kahirapan. Ito ay ang huling maikling kuwento niyang inihabol sa koleksyon. Di singganda na mga nauna. Parang si Pete Lacaba rin na pag may tinatanong kung anong mga akda ang maibigan sa mga tula o kuwento (screenplays) na sinulat ni Lacaba, laging ang sagot ay yong mga naunang akda (early works) nito. Para kasing pag tumanda ay umuurong na ang talento.

Labis kitang hinahangaan, G. Edgardo M. Reyes! Tunay na ikaw ay isang alagad ng sining!
Profile Image for Rise.
308 reviews41 followers
October 13, 2012
Sa loob lamang ng 15 taon (1959-1973), ayon kay Edgardo M. Reyes sa paunang salita, ay nakapagsulat sya ng humigit-kumulang 300 istorya. Ang 14 na naririto sa koleksyon ng Sa Aking Panahon ay di nya tinuturing na "gintong ani". Ngunit parang ganun na nga sapagkat may pangkalahatang motibo ang pagkakapili ng mga istorya sa aklat na ito. Ang bawat isa ay nagpapaalaala sa kanya ng isang mahalagang pangyayari sa kanyang buhay. O di kaya nama'y pumapaksa ng kanyang pag-unlad bilang baguhang manunulat ng kwento hanggang sa isang ganap na kinikilalang nobelista.

May kanya-kanyang awtobiograpikal na introduksyon ang mga napiling istorya, kung kaya parang 2-in-1 ang kinalabasan. Bukod sa mga kuwentong talaga namang mataas ang antas sa letrang Filipino, mababasa rin ang kwento ng pag-usbong ng isang manunulat mula sa kanyang pinagmulan hanggang sa pag-usbong ng kanyang karera sa larangan ng panitikan.

Sa maiikling sanaysay ni Reyes ay mababasa ang pulitika ng pagsusulat sa kanyang kapanahunan. Kasama rito ang mga editoryal na makinasyon sa likod ng magasing Liwayway, ang pagsali nya sa mga patimpalak ng nasabing magasin at ng Gawad Palanca, at ang kanyang relasyon sa mga kasabayan at inabutan nyang manunulat katulad nila Liwayway Arceo, Roger Sicat, A. C. Fabian, at Ricky Lee. Hitik sa mga tsismis ang mga prologo ng bawat kwento.

Pinatutunayan ng aklat na si Reyes ay isang maestro sa larangan ng maikling kuwento. Hindi lamang sa aspetong teknikal masasalat ang kanyang galing. Masusi, madamdamin ang pagninilay ng kwento sa masalimuot na sitwasyong kinasangkutan ng mga tauhan. Ang kwento nila ay kwento ng pagtutuos sa kapalaran ng mga walang-wala o ng mga nawawala. Sila ang kadalasang mga agrabyado sa buhay, mga dukha, mga "maliliit na tao."

Mahirap humanap ng paborito dito. Halos lahat ay may espesyal na kalidad. Pero kung pipilipitin ang braso ko at sapilitang papiliin, ang gumuhit ng malalim sa aking damdamin at isipan ay: "Lugmok na ang Nayon", "Si Ama", "Kung Saan Tubo", "Daang-Bakal", "Ang Bahay na Iyon", "Paalam sa Isang Kaibigan", at "Ang Gilingang Bato". Halos kalahati. Sabi nang mahirap e. Kung sinasabing di pa sila maituturing na "gintong ani", ibig sabihin sa 300 kuwento ni Reyes ay marami-rami pa ang naghihintay lamang na maipmprenta at mabasa!

Namumukadkad ang natural na galing ni Reyes sa pagtudla ng puso at isip. Inaamin nya na dala ng praktikal na konsiderasyon ang pagkakasulat nya ng ilang kwento. Naroong tapusin nya ang isang kwento sa magdamag para lamang may makain ang pamilya. Masasabing nagsimula sya bilang stereotipikal na hunger artist na dahil sa angking talento at diskarte ay nagsimulang magtagumpay.

Makikita agad sa mga una nyang kwento ang simpatya sa mga kawawa ng lipunan. Sa "Buhay" at "Isang Balutang Pansit", mapagtatanto ang simbolismo ng pansit bilang "buhay", katulad ng kinaugaliang paghahanda ng pansit tuwing may kaarawan. Ang pansit ang syang papatid ng gutom at kahirapan ngunit ang isang balot nito ay pansamantala lamang. Marami pang hibla ng pansit ang kailangan para maisalba ang buhay hikahos.

Sa "Lugmok na ang Nayon" maaaninag ang tila parasitismo ng lungsod sa mga kayamanan ng nagdarahop na nayon. Isang bagay na patuloy na naoobserbahan sa ngayon sa kasagsagan ng materyalismo at kapitalismo, kung saan ang kapaligiran ng mga bayan-bayan ay patuloy na pinagkukunan ng mga hilaw na materyal para gamitin ng mapagsamantalang mga tao sa lunsod.

Ang mga kwentong "Si Ama" at "Ang Gilingang Bato" ay pareho namang kakikitaan ng pagpupunyagi ng mga magulang na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Hindi sumusuko ang magulang para sa kapakanan ng mga anak. Sila ang di-matatawarang ehemplo ng katapatan, ng di-matitinag na prinsipyo. Ang pagtanaw naman ng utang na loob ng mga anak ay hindi talaga sasapat sa kadakilaan ng huwarang ama at ina.

Nakakalungkot isipin na tila hindi na laging ganun ang kalakaran ng pamilyang Pilipino. Parang hinahamon na ng modernong pamumuhay ang ilang kaugaliang nakagisnan na natin. Katulad ng walang pakundangang pagbasag ng isang dayuhan sa mahika ng pamahiin at tradisyon ng baryo sa "Ang Bahay na Iyon".

Bagamat patuloy ang tunggalian ng makabago at makalumang panahon, nananaig sa mga karakter ni Reyes ang likas na ugaling hindi sumuko sa laban. Pilit na itinitindig ng mga karaniwang manggagawang tauhan (sa "Daang-Bakal", "Orasan", at iba pang nabanggit) ang di matatawarang pagyakap sa prinsipyong hindi nga nakakain ngunit bumubusog ng kaluluwa.

Ang mga tema ng kuwento sa koleksyong ito, ang kanilang kabuuan at konektadong epekto, ay nagtatanghal sa estado ng pamilya at lipunang Pilipino sa panahon ni Reyes. Hanggang ngayon ay masasabing nananatili ang nobena at nobela ng nagbabagong panahon at tradisyon. Sa ganang kanya, naipahayag ni Reyes ang isang uri ng "kapangahasang manggiba ng balag ng tradisyon" nang hindi sinasantabi ang dignidad ng indibidwal, at pinagdidiwang pa ang kanilang katapatan.

Katapatan. Iyan ang ugaling ipinamamalas ng mga tauhan ni Reyes sa Sa Aking Panahon. Tila hindi lamang pag-asenso sa buhay kundi pambihirang katapatan ang tangi nilang adhikain at syang literal na bumubuhay, nagbibigay-buhay sa kanilang pagkatao. Bagamat ang mga tauhan ay tila hinahatulan ng kapalaran, sinusubsob ng kahirapan, at ginugupo ng mapanikis na pagkakataon, katapatan ang sya nilang mahigpit na pinangahahawakan. Isang katapatang hindi naluluma ng panahon. Katapatang lubos na pinagkaloob ng isang totoong taong manunulat.

6 reviews1 follower
September 30, 2012
Inalalahad rito ang karanasan at buhay ni sir Edgardo M. Reyes bilang manunulat sa simula ng bawat kuwento(13 piling katha). Simula nang kung paano siya napasok sa Liwayway hanggang sa umalis. Pati ang istorya ng Sa mga Kuko ng Liwanag ay nandito rin, kung paanong na rejected on 27 counts.

Nandito rin ang maikling kuwento na ikinapanalo ni Sir Edgardo sa Palanca.

Ang kuwentong "Si Ama" ay ang pinakanagustuhan ko.

Naaalala ko pa na nagpabasa ang Ina ko sa akin ng kuwento para makatulog siya (tanghali). Binasahan ko siya ng unang kuwento sa libro na "Unang Patak ng Luha", naku! halos maluha-luha si Ina pagtapos ko basahin sa kaniya. Sabi niya, "Nako, Paolo, wag mo na akong babasahan ng kuwento kung ganyan lang, naiiyak lang ako!". Hindi na nakatulog si Ina, nagpunas na lang ng kaunting luha sa mata.

Makalipas ang ilang araw ay nagpabasa ulit siya para makatulog. Binasahan ko ng "Ang Gilingang Bato". Tinanong ko pa siya kung anong itsura ng Gilingang Bato, kasi hindi pa ako nakakakita nun. Inilahad naman niya ang itsura at kung paano gamitin. Kaso sa kalagitnaan ng kuwento ay nakatulog na si Ina.

Sa kalahatan ay gustong-gusto ko ang libro. Solid! Walang lovestory, kaya gusto ko. Ha-ha. Sana mabasa na ng iba pa!
Profile Image for Ara.
15 reviews
January 27, 2013
Isa sa mga nakakapanabik sa librong ito ay ang paglalahad ng awtor sa kanyang buhay bago ang pagsisimula ng kanyang kwento.

Ilan sa mga kwentong nakapaloob dito ay nag-iwan ng marka sa aking isipan -- Si Ama, Kung Saan Tubo at Ang Gilingang Bato. Ito'y kwentong tungkol sa pagsusumikap ng mga magulang para sa ikauunlad ng anak at kung ano ang naging buhay ng kanilang mga anak.

Profile Image for Panganorin.
39 reviews56 followers
November 3, 2015
Ano bang inaasahan niyo sa manunulat na 'to? Sa madulas na paglalahad ng kwento't pagiging maestro sa paglaro ng salita, napatunayan niya sa librong 'to (at sa lahat ng gawa niya)kung gaano kalaki ang naiambag niya sa panitikan ng Pilipnas. Sa mga kwento sa likod ng mga akda niya, naroon din ang natural na daloy ng salita na talagang talento niya. Walang sinasayang na salita si EMR. Kung may pagkakataon, sana'y nakagawa pa siya ng mga akda gaya nito. Pero ang mga gawa niya'y mananatiling kumikinang at kikilalanin sa paglipas ng panahon.

(pero gusto ko talagang malaman kung anong meron sa pagitan ni EMR at Ricky Lee, hehehe)
Profile Image for Percival Buncab.
Author 4 books38 followers
April 29, 2018
Hindi lang ito antolohiya ng maiikling kwento, kundi maging ng sanaysay; dahil kada maikling kwento ay may mahaba-habang intro ang author para bigyang konteksto at balik- tanawin ang panahon na sinulat niya ang kwento. Dahil doon, marapat ding tawagin itong memoir.

Maganda ang bawat kwento. Subtlety ang isa sa pinaka-talent ni Edgardo Reyes sa pagsusulat. Laging subtle, lalo na ang ending, ng kanyang mga kwento. At sa anumang art, major element ang subtlety. Minsan nga lang eh sa sobrang subtle, hindi na ma-gets.

Para kay Reyes, ang lead at ending paragraph ang pinakamahalagang parte ng kwento. Ang lead daw kasi ang nagtatakda ng mood ng kwento. At sa ending naman, hindi man daw maisasalba ng magandang ending ang isang pangit na kwento, paniguradong sisirain naman daw ng pangit na ending ang isang magandang kwento. At tama siya ro’n! Napakaraming nobela ang nabasa kong nagpapatunay sa teorya niyang ‘yon.

Ang totoo, mas nagustuhan ko pa ang mga sanaysay kaysa sa mismong mga kwentong binabalik-tanaw nito. Kung bakit ay dahil nakaka-inspire at insightful ang kwento ni Reyes bilang manunulat. Nakaka-relate ako kay Reyes. Isa siyang batang manunulat na hindi nagtapos ng Panitikan, hindi galing sa lahi ng mga manunulat, at hindi pa nakakatamo ng malalaking pagkilala, na ang tanging bala lang sa pagsususlat ay pagbabasa ng napakaraming libro at paulit-ulit na pagre-revise ng sariling kwento.
Profile Image for Mark Anthony Salvador.
189 reviews11 followers
August 21, 2021
May reputasyon si Edgardo M. Reyes sa husay sa pagbuo ng banghay at madulas na pagtangan sa wika. Parang agos ng tubig ang kanyang pagkukuwento.

Karagdagang rikit: Sa antolohiyang ito, may maiksing tala sa panimula ng kada kuwento, na maaaring basahin bilang mga tala sa kasaysayang pampanitikan.

P.S. Circa 2010 pa nang mabasa ko ang librong ito.
Profile Image for chimmy.
79 reviews3 followers
April 10, 2021
Hulog ng langit itong aklat na 'to para sa akin. Nakilala ko ang bago kong paboritong manunulat, si EMR. Pipilitin kong makabasa ng isang buong nobela niya sa susunod.

Parang gusto ko rin chumika kung anong ganap sa kanila ni Ricky Lee. Haha.
Profile Image for Alden.
161 reviews31 followers
June 24, 2018
Sa pangalawang pagkakataon ay hindi na naman ako binigo ng akda ni Edgardo M. Reyes. Maiintindihan ko kung bakit tumataginting na limang bituin ang naging rating ko sa unang libro niya na nabasa ko, ang Sa Mga Kuko ng Liwanag. Dahil una, isa sa pinakapaborito kong klasikong pelikulang Pilipino ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag, at pangalawa, dahil kahit hindi ko pa nabibili ang librong iyon noon ay nakikinita ko nang mataas ang magiging rating nito (na nagkatotoo nga).

Ang totoo, wala akong ibang inaasahan sa librong ito na mga koleksyon ng maiikling kuwento ni Edgardo M. Reyes. Gusto ko lang talagang masubukan pa ang kanyang mga akda. Hindi ko inaakalang magiging isang pambihirang karanasan ang pagbabasa ng kanyang maiikling kuwento. Ang pakiramdam na kumakain ka ng masarap na pagkain at nilalasap mo ang bawat subo? Parang ganoon ang pagbabasa ng librong ito. Ang gandang basahin. Bawat isang kuwento, may laman at may aral. Walang itatapon. Lahat, may sustansiya. Sa bawat kuwentong natatapos ko, napapatigil ako at napapaisip dahil ang sarap namnamin at pagnilay-nilayan.

Paborito kong kuwento sa librong ito at binigyan ko ng five-star rating ang Kung Saan Tubo (ang ganda ng pagkakahalintulad kay Cristina at sa pine tree), Daang-Bakal (ito ang tipo ng kuwento na maaaring isapelikula na makabuluhan at hahakot ng maraming parangal), Ang Kayamanan Ni Ingkong Talyo (pinakapaborito ko sa lahat, naalala ko rin si Haruki Murakami dahil sa dambuhalang nematoda), at Ang Gilingang Bato (pinakamaganda at pinakamapusong kuwento, ito ang tipo ng kuwento na pagkatapos mong basahin ay lalo mong maa-appreciate ang iyong mga magulang).

Nagustuhan ko rin at binigyan ko ng four-star rating ang Unang Patak Ng Luha (magandang panimula sa isang napakagandang koleksyon ng mga kuwento, akmang akma ang punto de bista ng isang bata), Isang Balutang Pansit (may tadyak sa realidad ang damdamin ng ending), Si Ama (napaka-poetic ng pagkakakuwento at tulad ng Ang Gilingang Bato ay makapagpapahalaga sa ating mga magulang).

Okay rin para sa akin at binigyan ko ng three-star rating ang Paalam Sa Isang Kaibigan (bigla kang mapapaisip kung kumusta na nga kaya ang mga kaibigan mong matagal mo nang hindi nakikita), Buhay, Tumatawang Larawan, Lugmok Na Ang Nayon, Orasan, at Dalawang Pares Ng Glab.

Pinaka-nadismaya naman ako sa Ang Bahay Na Iyon dahil hindi ko nagustuhan ang ending. Ang dami nang tumatakbo sa isip ko habang binabasa ang kuwento. Akala ko pa, may malaking pasabog na mangyayari sa dulo na ikatatayo ng balahibo. Pero sa huli, nabitin lang ako at tila napakamot sa ulo. Gayunpaman, binigyan ko pa rin ito ng three stars dahil nakakaengganyo itong basahin at puno ng misteryo.

Umabot sa 3.78 ang average rating ng bawat kuwento, four stars kung ira-round off. Sa totoo lang, nais ko itong bigyan ng five-star rating dahil panalo lahat ang mga kuwento. Pero ano nga ba naman ang silbi ng mga rating na ito kung ibibilang ko pa rin ang Sa Aking Panahon sa hanay ng mga pinakapaborito kong libro. ‘Di ba?
Displaying 1 - 13 of 13 reviews

Can't find what you're looking for?

Get help and learn more about the design.