Kabahaging katalogo ng mga tekstong bakas ng paninikluhod sa harap ng kapangyarihan, kabahaging pagsapantaha ng mga reaksiyonaryong kaayusang pampanitikan, ang Materyales sa Komplisidad ay isang napapanahong pagmumuni hinggil sa komplisidad ng panitikan sa mga puwersa at institusyong nais pangibabawan ang ating buhay at imahinasyon.
Amado Anthony G. Mendoza III is the author of the novel, Aklat ng mga Naiwan [Book of the Damned] (Balangiga Press, 2018), co-editor and co-translator of Wiji Thukul’s Balada ng Bala [The Ballad of a Bullet], and translator of Mga Himutok sa Palikuran (Ateneo de Naga University Press, 2021), the Filipino-language edition of Eka Kurniawan’s collection of stories. He teaches courses on Southeast Asian literature and creative writing at the Department of Filipino and Philippine Literature in the University of the Philippines Diliman. Mendoza is also a co-editor of Ulirát: Best Contemporary Stories in Translation from the Philippines (Gaudy Boy, 2021) and several other upcoming anthologies, including Signos: Anthology of 21st Century Filipino Fiction on Dark Lore and the Supernatural and Destination: SEA 2050 A.D.
DNF’ed this in 2023 since I didn’t understand what the book was about, I think was only able to get past a few pages. Then I found out that this was part of a trilogy—Trilohiyang Reaksyonaryo—along with Aklat Ng Mga Naiwan, a book I’ve been wanting to get my hands on since 2019 but didn’t have the opportunity to do so since it was sold out almost immediately after its initial launch.
I learned that the new version of Aklat Ng Mga Naiwan was about to be released, so I finally bought it along with book 3 of this trilogy, Movovug, and got down to reading book 1 and now Materyales sa Komplisidad, which is book 2.
I’ve now managed to finish this and I can say that I’ve thoroughly enjoyed reading this book, especially with the context provided by book 1. So yes, highly recommended read, but make sure you read Aklat Ng Mga Naiwan first so you wouldn’t be as confused as I was a couple of years ago.
Unang nabigyang-buhay ang MK sa porma ng maikling kuwento na pinamagatang "MGA KATHANG NAWAWALA AT NAGWAWALA: Ilang Tala Hinggil sa mga Antolohiyang Hindi Pa Natin Nababasa". Dito, ang kuwento ay tungkol sa Laberinto, isang kathang-isip na sinupan ng mga antolohiyang hindi pa nababasa. Gayon, maitatanong: simula sa pagkakabuo ng mundo, may mga antolohiya pa nga bang hindi pa nababasa? Gayundin, may mga antolohiya pa bang hindi naisusulat? O, tanong nga ng akda, "anong posibleng anyo pa ba ng antolohiya... ang hindi nailabas nina Abad, mag-asawang Alfar, Almario, Bautista, Garcia, Lumbera, Pantoja-Hidalgo, Tolentino, Yabes, mag-asawang Tiempo, Tiongson, Dimalanta, at iba pang dekampanilyang manunulat at kritiko?" (pah. 185).
Maikling sagot: marami. Mahaba-habang sagot: marami, ngunit, ayon kay Mendoza, "karamihan sa mga ito'y nailimbag ngunit hindi nabasa/binasa; may burador na ngunit hindi naiimprenta; at naisip at napag-usapan ngunit hindi na inanunsiyo at ginawan ng panawagan para sa kontribusyon." (pah. 184). Nariyan ang: Antolohiya ng mga recipe ng mga nagtitipid na ina; Antolohiya ng mga resulta ng eksaminasyon ng mga [medico-legal] sa mga biktima ng Oplan Tokhang; Antolohiya ng mga cellphone number na tinipon mula sa pinto ng mga banyo sa Maynila; Antolohiya ng mga himutok sa mga braso ng silya sa mga silid-aralan; ...; Antolohiya ng mga manuskritong hindi umabot sa deadline; Antolohiya ng mga pinakapangit na kuwento, tula, at sanaysay; ...; Antolohiya ng mga tulak na "pinagpiyano" sa istasyon ng pulis; ...; Antolohiya ng mga estratehiya sa color game; ...; Antolohiya ng mga pangit; Antolohiya ng mga guwapo; ...; Antolohiya ng mga ulat hinggil sa napurnadang operasyong militar; Antolohiya ng mga ulat hinggil sa nilikidang miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas; Antolohiya ng mga sanaysay na nagpupugay kay Filemon "Ka Popoy" Lagman; Antolohiya ng mga hiyaw ng mga biktima ng kampanyang Olympia; Antolohiya ng mga pangarap; Antolohiya ng mga bangungot; Antolohiya ng mga pagbabaka-sakali; at marami pang iba (pah. 197–199).
Pagbabalik sa tanong, at pagtatanong na rin tungkol sa nobela: kasama ba ang MK sa mga kuwentong hindi pa natin nababasa/binabasa? Ang MK din ba'y hindi pa naisusulat noon? Payak at simpleng oo sa unang tanong. Sa ikalawa naman, ayon kay Mendoza, ay mas "mabisang" maniobra ng pagnonobela ang MK kumpara sa pagnonobela nina Pramoedya Ananta Toer at Viet Thanh Nguyen, na kapuwa nagsulat ng tungkol sa komplisidad.
TUNGKOL SA LIBRO
Pagpapabatid: para sa naghahanap ng kanilang "next summer read" — na may chill vibes; na may cliché RomCom plot; na nasa #MayTBR kahit hindi naman talaga binabasa/babasahin pero gagawan ng TikTok video; na "feels like a warm, hot day" na libro; na something nuanced or unique this time, kasi new season kaya new me, kaya't feel mo kakaiba ka kahit ang totoo, hindi mo talaga nagets 'yung punto — ay lagpasan mo na ang librong ito; sapagkat ang katotohanan: hindi ka patutulugin ng nobela, hindi lang mula sa takot kundi sa kabag katatawa, at pangamba, lalo't higit itong huli, na unti-unti papalibot sa 'yo na parang niyayakap ka ng 'yong anino, na kapuwa palang nangangamba kagaya mo sa hindi-malabong (ngunit mapipigilang) hinaharap ng bansa.
Hindi sinungaling ang mga narinig at nabasa ko tungkol sa nobela. Mahirap 'to, walang pakundangan kong aaminin. Mahirap basahin, mahirap muhiin — sapagkat ang awtor ay may pagkapasaway — walang sinasanto't tinitingnang Diyos — na ultimo'y postmoderno'y nagkukubli sa panulat ng libro — post-postmoderno na ba, kung gayon, itong maituturing? — na tingin ko'y kulang at kinakailangan ng lima hanggang sampung "post-" na idudugtong sa pagiging postmoderno nito! — ang alusyon ng nobela sa napipintong hinaharap na pumoporma bilang apendise ng panitikang humihimod-puwet sa mga makapangyarihan may monopolyo ng pandarahas at, sa kaso ng nobela, cultural-making sa Bayang Maharlika ng Filipinas (ang espekulatibing lugar ng nobela), at ang maybuwelo't maybigat na bigwas sa mga manunulat at makata na nag-aastang Diyos — Diyos, na kaakibat dapat ng kanilang mga titulo at gantimpala — na sila-silang magkakapanalig lang din ang nagbibigayan sa isa't isa — ang respeto ng isang 'tunay' (o 'dalisay', bahala ka na) na artista at manlilikha.
Ngunit mag-iingat, sapagkat sa hirap ng nobela'y nakikinita ang pagiging delikado ng ironiko, sarkastiko at repleksibong kalikasan nito, lalo kung babasahin nang direkta o as is; bagkus ay basahin ninyo ang libro bilang isang babala, isang pagsasapantaha sa kinabukasang nakakatakot ang pagka-distopiko. Sapagkat sa ganitong pagbasa (o pagtanaw) lamang mapupulot ang esensiya ng nobela: kung paano, sa iba't ibang porma't anyo, kumakampi/sumasandig/kumakapit ang mga tao — mga tao na kinokoopta't ginagamit ng estado — mga taong nasa kani-kaniyang posisyon at opisina, gaya halimbawa ng mga historyador at manunulat, mula sa marami pang iba — bilang "galamay" ng makapangyarihan (pah. xix).
—
Mairerekomenda ko ang librong ito sa mga gustong magsapantaha tungkol sa 1) (napipintong) Marcosian na hinaharap; 2) Federalista at/o uber-Nasyonalistang mga bansa; 3) anyo ng panitikan na walang respeto, walang pag-aalintana sa canon, at walang pasubali sa mga itinakdang pamantayan; at 4) ang posibilidad, lalo na't "tigib" ang Pilipinas nito, ng kontra-insurhente at kontra-rebolusyonaryong panitikang reaksyunaryo.
Sa bawat araw na hindi binabago ang istruktura ay araw-araw nating hinahayaan ang palagiang pagpapanikluhod.
Nasa puspusan at sama-samang pagsalunga laban sa kapangyarihang nagpupumilit maging higit sa ating lahat ang ating katubusan. (Muling binasa para sa nalalapit na official launch ng Trilohiyang Reaksyunaryo. Dalo tayo, mga tol.)
Hindi nagsinungaling ang afterword ng “Materyales sa Komplisidad” (MK) ni Arlo Mendoza. Mahirap itong basahin. Pero ang tanong, nagpahirap nga lang ba talaga ang awtor sa mambabasa para sa layong maging kumplikado, o ang kakumplikaduhan nito ang totoong kahulugan ng nobela?
Ang MK ang pangalawang labas na libro ng binubuong Trilohiyang Reaksyunaryo ni Mendoza. Ito ay naglalaman ng mga tinipong tala at manuskrito na magbibigay patnubay sa naunang aklat. Hindi ko pa nabasa ang Aklat ng mga Naiwan (ANN), at sa totoo, higit na naging hamon sa akin ang pagbasa sa MK. Sa kabila nito, isa lang naman, sa unawa ko, ang pinupunto ng nobela: paano ba kinakasangkapan ang panitikan, at paano ba aalagwa laban sa mga puwersang nagtatakda sa kung ano ang dapat?
Labas ang MK sa dati na nating alam, kung kaya’t sa kagyat ay isa itong pagtuligsa sa preskriptibismo ng mga institusyon at mga tagapagpatakbo nito. Isa itong pagtatangkang tumaliwas sa kombensyon, isang pagliko sa tahak ng panitikang Pilipino. At ang paglikong ito ay tiyak na magpapatango sa mga naunang nangahas magmaniubra ng direksyon ng ating panitikan. Napunan nito ang kahingian sa anyo na angkop sa nilalaman. Sapagkat, sa tingin ko, hindi maaaring ang nakagawian ang maging porma ng MK. Dahil sa nobelang ito, litaw kung paanong tayo, ang nakararami, ay patuloy na winawasak ng naghaharing-uri, ng mga diktador, ng mga tagapagpanatili–gamit ang wika’t panitikan. Kung paanong ang kasaysayan at ang kasalukuyan ay pilit nilang niluluray, dinudurog, upang hindi natin mapagtagpi ang katotohanan. Kaya, mahalaga na ang anyo pa lamang ng “anti”-nobelang ito ay isang pagkilala sa realidad na iyon–at higit pa rito’y isang uri ng pagbalikwas.
Dito papasok ang diwa ng naratibo (o ng kawalan nito) ng MK. Isa itong paanyaya upang maligaw. Magkakaiba ang mga tekstong nakapaloob dito: mga bahaging seryoso, mga bahaging matingkad ang sarkasmo, mga pagpapatawa, mga “hindi-ko-alam-kung-trip-lang-ba”, mayroon ding ispekyulatibo. Sa mga unang pahina, susubukang palinawin ang relasyon ng tauhang tagapagtipon sa mga tala ng isang pigurang may pamilyal na relasyon sa diktador-manunulat na tampok sa ANN. Habang patuloy na magbabasa, mabubuksan ang sitwasyon ng kwento: ang kontra-insurhensya ng bagong Pilipinas sa mga rebolusyonaryong manunulat. Magpihit pa ng ilang pahina, iwawala ng MK ang mambabasa: nasaan na ako? Ano na ang nangyayari? Dadalhin din tayo sa isang bayang binura ang identidad: ang tungkol sa diksyunaryo ng mga taong nakalimot. Papapasukin tayo sa isang laberinto ng mga imposibleng antolohiya at paikut-ikutin tayo sa ating kolektibong kahapon, ngayon, at hinaharap. Sa kabila ng kaseryosohan ng tinuturol na paksa–na sa nakaugalia’y hindi mapagtatawanan–naging mabisa ang balintuna at satirikong paglalahad. Sa mga palasak at kawalang-kaayusan nanangan ang esensya ng nobelang ito. Mula sa mga listahan ng alternatibong mga pamagat ng publikasyon ng mga "starlet" ng panitikan, ng mga karerista, maging ang pagkapalya ng mga nag-astang mag-angas. Ngunit, ang hamon pa rin, na sa palagay ko ay sasalalay sa malawak na mambabasa, ay: sa ganitong paraan, nagtagumpay bang maitawid ba ng MK ang layunin nito?
Sa gayon, importanteng mabasa pa ito ng mas nakararami. Maaari, hindi agad malunok ng lahat ang ganitong pagnonobela. Ngunit, kailan ba tayo aalis sa mga kaayusang ipinataw lang din sa atin? Sabi nga ng parehong anti-nobelistang si Roberto Bolaño, “ang kahulugan natin ay nasa kaguluhan.”
Hindi ko pa nababasa ang una at pangalawang bahagi ng trilohiya kaya inaamin kong hirap akong pagtagpi-tagpiin ang niluray na naratibo sa Materyales. Pero ramdam ko ang angas na siyang krudong nagpapatakbo sa nobela: mapaglaro, medyo sarcastic, pero gigil ang awtor sa kanyang paglalahad sa kumplikadong relasyon ng panulat at wika sa kapangyarihan. Meron ding mga nailahok na ispektulatibong timpla, halimbawa yung kuwento tungkol sa isang bayang unti-unting nakalimutan ang kanilang wika, at yung "Laberinto" ng mga "imposibleng" antolohiya. Marahil dito hinugot ang meditasyon tungkol sa "antolohiya" na matatagpuan sa dulo ng nobela?
Pero interesanteng trajectory nga itong ideya ng "panitikang reaksyonaryo", lalo na sa konteksto ng tumitindi pang pamamayagpag ng atrasado at konserbatibong mga kaisipan sa lipunan, at sa kakulangan ng masinsing pagbasa sa panulat na naturingang problematiko at "cancel-lable."
Kung babalikan si Max Weber sa usaping ito, ang kontemporaryong konserbatibismo ay maaaring sipatin bilang sintomas ng pag-aasam, hindi lang para sa tradisyon at istabilidad, kundi para sa "re-enchantment" ng mundong naubusan na ng mga bagay na kamamanghaan. Wala nang bagong mga kontinenteng ididiskubre, wala nang mahika at mga posibilidad ng milagro.
Habang ang mga tinuturing na "progresibo" ay na-stuck sa paulit-ulit na nostalgia at irony, ang konserbatibismo ay hayok na nag-aasam ng pagbabalik ng sinseridad ng kamusmusan. Dito nagmumula ang kagila-gilalas na grabedad at kabangisan ng reaksyonaryong kaisipan na namamayagpag ngayon. Ito rin, sa tingin ko, ang pinaghuhugutan ng mga primaryang "tauhan" sa libro na mga manunulat din -- ang pagbabalik ng angas, dumi, karahasan, kabastusan atbp sa panitikan na masyado nang naging malinis, sagrado, de-kahon, at madaling ibenta.
Kaugnay ito, tumatak ang sumusunod na sipi mula sa Introduksyon ng Materyales:
"Sa kasalukuyang panahon kung saan ang ironiya o balintuna na lamang ang nananatiling mga sinserong tugon sa mga kagaguhang nagaganap sa mundo, naniniwala akong hindi lamang sa pagtawa at panlilibak (sa iba o sa sarili) nauuwi ang ating rekurso sa pagtutol at pakikibaka."
Kaso, batid pa rin ang latak ng parodya (hal. sa kuwento ng "starlet" na gustong sumikat na ginamitan ng mga metaporang kosmiko) sa Materyales sa Komplisidad. Ngunit makikita ang kagustuhan ng awtor na umalagwa sa mga reflex ng ironiya sa librong ito. Dito, sa tingin ko, nananahan ang pinakamalaking kontradiksyon sa nobela. Tingin ko ay magandang trajectory ang nahuhuli para ipagpatuloy at maging gabay sa mga nagnanais na sumulat ng kritikal na panitikan. Ngunit paano nga ba umalagwa sa nauna (irony, parody) na hindi nababansagang "grim and determined" tulad ng madalas sumbat sa panitikang rebolusyonaryo? Malinaw na tanong ito hindi lamang ng anyo kundi ng tindig at posisyonalidad.
Ang sabi nga, wala nang kuwentong hindi pa naikukuwento. Baryasyon na lamang ang mga sumunod ng mga sinundan. Pero buhay na patunay si Mendoza sa maraming posibilidad ng nobela. At ang 'Materyales sa Komplisidad' ay isang matibay na testamento ng isang naratibong hindi natin matutunghayan kung hindi niya isinulat.