Nadiskubre ko ang komiks na "Grade 3" ni Doktor Karayom mula sa post ni Koji Arsua.
Noong nagkaroon ako ng pagkakataon na mabili ito ay hindi na ako nagdalawang isip pa.
Sinimulan ko basahin ito kahapon - Hunyo 20, 2026 - dahil gusto ko ulit magbasa ng komiks.
Sa mga hindi nakakaalam, mahilig na ako magbasa ng komiks noong bata pa lamang ako. Palagi akong binibilihan ng aking Nanay ng Funny Komiks. Simula noon ay nakahiligan ko na ang pagbabasa nito at habang umuusad ang mga taon ay samu't saring komiks na ang aking nabasa.
Magbalik pala tayo sa komiks na Grade 3. Talagang kakaiba ang pagkakaguhit at pamamaraan ng paglalahad ng kuwento ni Doktor Karayom sa komiks na ito. Kulay pula ang ginamit niya sa pagguhit at para sa akin, mas pinatingkad nito ang aking imahinasyon at pag-iisip habang binabasa ko ang kanyang komiks.
Habang binabasa ko yung parte ng komiks na "Hardin ng mga Kaibigan" ay hindi na napigilan pa ng katawan ko na iwaksi ang antok na pinaglalabanan ko pa simula ng matapos ang aking trabaho ng 8:00AM - Hunyo 20, 2026. Bilang isang manggagawang aswang (joke lang, siyempre), sa gabi ako nagtatrabaho para may oras pa ako na maging tao sa umaga. 😅 Sakto na araw ng pahinga ko ang Sabado at Linggo kaya minsan ay sinusulit ko na piliting magising ang aking diwa at katawang lupa para masulit ang mga nalalabing oras na hindi ako nakapako sa mga gawaing panggabi.
Ngunit ang katawan ko na mismo ang nagsasabing kailangan ko na magpahinga kaya hindi ko na napigilan na mawalan ng ulirat at tuluyan na mahulog sa patibong ng kawalang malay.
Nagising ako ng bandang 6:46PM. Naks, sakto ang pagkakabigay ng oras. Siyempre, nakita ko sa aking selpon pagkagising ko. Gusto ko na bumangon pero hindi pa kaya ng katawan ko.
Nagising ako bandang 11:00pm na at doon ko nalaman na hindi pa pala kumakain si Nanay at ang pamangkin ko na nagbabantay sa kanya. Hinihintay pala nila ako magising upang malaman kung ano ang kakainin. May natirang ulam na ginataang langka at dinuguan na nakalagay sa ref pero hindi nila ito naisipang initin.
Bumili na lamang ako ng pagkain sa malapit na fastfood chain. Hindi ko na ipinagpatuloy ang pagbabasa ng Grade 3 kaya kumain na lang ako habang pinapanood ang Season 1 ng Riverdale sa Netflix.
Matapos kumain ay ipinagpatuloy ko pa rin ang panonood hanggang sa makatulog na ako bandang 2:00AM ng Hunyo 21, 2026.
Pagkagising ko ng bandang 5:51AM ay mabilisan na akong naghanda upang bumili ng almusal at mga sangkap sa lulutuin na Menudo.
Pagkatapos ko mamalengke, makauwi ng bahay at makapag-almusal, saka ko ipinagpatuloy ang pagbabasa ng Grade 3.
Naging instant favorite ko ang May Bata sa Canton, Nanay Ko Si Darna, Hardin ng mga Kaibigan, Ang Asong Tumatae Nang Pabilog, Per Kill Oh, Sticker Happy, at Tomeng.
Sumasalamin sa kalagayang panlipunan sa ating bansa ang mga kuwento sa Grade 3. Kaya may bahid ng katotohanan na nagtatago sa likod ng mga dibuho at kuwento ni Doktor Karayom.
Solid ang pagkakagawa sa komiks na ito. May salin sa wikang Ingles ang komiks kaya may pagkakataon ang mga banyaga na mabasa ang mga kuwentong inilahad ni Doktor Karayom.
The best! 🙌🙌🙌🙌🙌