Minsan dumadapo sa aking isipan ito: nasa mga kamay ko, sa koleksyon na ito, ang kabuuan ni Tariman bilang makata. Ang kaniyang katauhan bilang manunulat. Sa pamamagitan ng librong ito, sumisisid tayo sa utak at puso ni Tariman: kung paano niya natatanaw ang kinabukasan, kung paano niya nahahanap ang kamangha-mangha sa makamundo, kung paano niya tinutunggali ang malawak na pang-aapi, at, pinakamahalaga, kung paano niya isinasalin sa pamamagitan ng matalinghaga at mabulaklak na panunula ang mga teorya, praktika, danas, luha, at diwa ng rebolusyon.
Ngunit, sa kabila ng gayong pagsisisid, hindi pa rin ako kampanteng sabihin na kilala ko na si Tariman. Ang kilala ko lamang ay ang kaniyang mga metapora, hindi ang kaniyang kaibuturan. Ngunit, sa tingin ko, lumilitaw o kaya nama'y sinasalamin mismo ng kaniyang mga tula ang kaniyang kaibuturan. Kung kaya't bagaman hindi ko siya nakilala, alam kong siya'y mapagmahal. Alam kong siya'y mapagmalasakit. Alam kong siya'y matatag at matalino. Alam kong siya'y 'di-mapirmi, maligalig, mapaglaro, mabiro, mausisa, at mabusisi. Alam kong siya'y malapit sa masa. Alam kong siya'y alagad ng sining. Alam kong siya ang ehemplo ng gerilyang makata sa tula ni Sison. Lahat ng ito ay mahuhuniha mo lamang sa kaniyang mga tula.
Pinakamataas na pagpupugay sa'yo, Ka Ella! Mabuhay ka!
Mula sa Ulan, Gitara, Eman II:
"ang mga kwerdas ng gitara
na tumugtog ng mga kanta
ng mga lumulubog sa putikan
at ng mga lumalaban sa ulan
ay mga kwerdas ng gitara
na aawit ng kalayaan."