Actual Rating: 4.25
"Bílang pinuno, ang dapat mong ibigay sa kanila ay trabaho, kabuhayan, edukasyon, at pag-asa, pag-asang maiaangat nila ang sarili nilang mga búhay at hindi na kailangan pang gumawa ng masama para lamang punan ang kalam ng sikmura. Huwag takot. Walang kaunlaran sa bayang pinaghaharian ng takot." — Zero A.D., ; (Ano)
Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko isusulat ang aking review sa librong ito. Ang alam ko lang, dapat itong mabasa ng maraming tao, kaya't heto, susubukan ko.
Ang "; (Ano) ay maaaring nobela o koleksyon ng maiiksing kwento na pinagtagni-tagni ng awtor sa malikhaing paraan. Ito ay isang salaysay mula sa isang tauhang walang pangalan habang sinusundan niya ang kapalaran ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Carrion. Kwento ito kung paano ang taong isinugo diumano ng alien upang iligtas ang Pilipinas ay siya ring dahilan ng pagkasira nito.
Mahirap maintindihan ang balangkas ng librong ito dahil sa ilang mga dahilan, tulad ng hindi kronolohikal na istruktura ng kwento at ang pagkakaroon ng mga tauhang hindi mapagkakatiwalaan. Gayunpaman, madaling maunawaan ang layunin ng aklat — ipinapakita nito na hindi karahasan at takot ang solusyon para mailigtas ang ating bayan. Mahusay na isinalarawan ng awtor na hindi isang pinuno na may kamay na bakal at walang paggalang sa hustisya at batas ang kailangan ng bansa. At nakakatakot mang aminin, maraming sitwasyon sa librong ito ang sumasalamin sa reyalidad ng ating lipunan.
Sa kabuuan, ito'y nakakatawa, nakakagalit, nakakalungkot, at nakakatakot, pero naniniwala ako na dapat itong basahin ng Pilipinong mambabasa — lalo na kung die-hard fan ka ng kung sinumang politiko.