“Walang perpektong krimen, pero sa karanasan ni Sarge Ortiz, palaging nariyan ang mga perpektong kasabwat.”
Natapos ko na ang huling aklat, sa wakas. Hindi rin biro ang tagal, bago ko ito nasimulan. Sa sariling karanasan, lagi’t laging malaki ang pagitan ng pagbasa sa bawat aklat sa Dreamland Trilogy, dahil mabigat ang bawat aklat, mas bumibigat pa habang paparating sa dulo: Ang Suklam sa ating Naaagnas na Balat na inilimbag ng 19th Avenida. Ngunit katulad ng mga naunang karanasan, natapos ko ito nang hindi inaasahan.
May natagpuang kalansay sa Silveria Fields at na-identify itong si Divine Amadeo, para sa investigative journalist na si Mirasol Gatdula, may kinalaman ang kapatid ni Divine na si Dondi sa krimen. At sa pagi-imbestiga nila ng katotohanan, makakasalubong ni Dondi si Boni Fly na may hinahanap din, ang nag-iisa nitong anak.
Masasabi kong ibinuhos ni Vivo ang lahat para sa huling aklat ng Dreamland Trilogy, tipong pati ang sakop ng naratibo ay lumawak din dahil sa pagkukuwento nito ng pandadahas sa mga aktibista. Mas humanga rin ako dahil masasabi kong, na-master na niya ang sariling craft sa mystery-thriller na genre, at hindi ko nahulaan ang mangyayari sa dulo. Dahil sa Bangin, nagawa kong mahulaan ang mga susunod na mangyayari, at nang mabasa ko nga ang Suklam, malayo ang hinuha ko sa talagang nangyari.
Suklam, sa pamagat pa lang nabanggit na ang salitang ito, tila ipinapangako na ito ang mararamdaman mo sa kabuuhan, ngunit sa sariling pagbabasa, higit pa sa suklam ang naramdaman. Tila matindi pa sa suklam, na hindi mapangalanan. Pero kahit gano’n, satisfying naman ang mga kaganapan sa mga huling kabanata. Kung isa ka, sa mga nakabasa na ng aklat, alam ko na alam mo kung anong binabanggit ko.
Hindi nakalilito basahin ang nobela, dahil madaling matukoy kung kanino o sinong boses ang binabasa sa aklat. Dahil dito, sa karanasan kong ito, naglo-look forward ako sa hinaharap, sa oras na masimulan ko ang koleksyon ng maikling kuwento na Mga Kalansay sa Hardin ng Panginoon at bago niyang Trilohiyang Arson na lumabas na ang unang aklat na Narkokristo.
Personal na pasasalamat kay Nakita sa Booksale pero Hindi Binili para sa kopya ng aklat. Lagi’t laging humahanga rin sa iyong bokasyon na mailapit ang mga aklat sa mga mambabasa.