Isa sa pangunahing lungsod ng Albay, sinasabing nagmula ang pangalan ng nasabing bayan mula sa ‘Tabak Ko’ na nangangahulugang Ang Sundang Ko, makikita ang ganitong pagturing ng pinagmulan sa pangunahing produkto ng naturang bayan. May opisyal na pahayag at ito ang sinasangayunang bersyon magin ng konseho noong 1966.
May nagsasabi naman at mas madali marahil isipin na mula ito sa halamang Tabaco, isang pangunahing produkto ng monopolyo.
Anuman ang maalamat na pinagmulan ng pangalan, itinuturo nito ang nakaraan bilang isang mahaba, masalimuot at mapanglaw na kasaysayan ng pananakop kasama ang sinasabing pamimirata ng mga ‘moro’. Dagdag pa rito, ang pagiging isa sa mga bayan sa dapan ng Bulkang Mayon at ang pagdanas ng ilang malulupit na bagyo na nagmumula sa Pasipiko. Kung gayon, tulad nang marami sa mga bayan sa Bikol at sa buong kapuluan ang Tabaco ay nabubuhay sa tagilid na daga, isang espasyong nananahan sa singsing ng apoy at nalulukuban tuwina ng mata ng bagyo.
Naging ganap na lungsod noong Marso 4, 2001 pagkatapos ng isang plebisito. Mula 1616 si San Juan Bautista ang itinuturing na pangunahing patron ng lungsod, isang ermitanyo at rebolusyunaryong pigura na pinutulan ng ulo.
"Yung boses mo sa panulat, ikaw na ikaw. Buo ang boses mo. Ang tanong ngayon, ano ang iyong magiging kwento?"
Dalawang beses ko pa lamang nakita si sir Niles at ito ay dahil lamang sa pagbabalik-loob ko sa Pinoy Reads Pinoy Books book club ngayong taon. Ang mga ganitong minsanan ay nagagawi sa inuman at kultura, kasama ng mga kinagisnan at karanasan sa pagiging mambabasa at manunulat. Nang first time kong narinig ang pangalan niya sa mga kapwa miyembro, hindi ko pa nakikita yung kanyang mga akda. Binigyan ako ng sample / excerpt ng Rubrica, isang collection ng mga tula na hindi ko maintindihan, siguro dahil hindi ako batikan sa paglikha nito.
Sa ikalawang salubong ko sa kanyang gawa, nakita ko itong Tabaco na tangan-tangan ni Jayson Vega na naglalaman ng mga sanaysay, at sa hindi ko mawaring dahilan, medyo nainggit ako dahil sa kakaibang mga paksang naglalaman nito. Ganito rin ang inggit na nararamdaman ko sa tuwing nakakabasa ako ng mga kalipunan ng sanaysay sa mga nagdaang Palanca awardees. Natatanong ko rin kung may karapatan pa ba akong magkwento? Kasi unang-una, hindi naman exotic ang mga naranasan ko. Walang urban legend sa barangay ko, walang matandang buruka o kumander nognog, hindi rin naman ako pumasok sa isang seminaryo, at sobrang sheltered ako sa aking public elementary and high school.
Exotic bang maituturing ang isang baklang baliw sa Talipapa ng Pembo na pinangalanan kong Alejandro (sa aking isip) dahil minsang sinigawan akong, "Ako ang dakilang Lady Gaga!"? Hindi ko nga mailaban yun sa kwentong Tawi-tawi ni Atom Araullo eh, lalo na sa mga kwentong Some People Need Killing ni Pat Evangelista. Anu't-anuman, parang nagiging tila ordinaryo na ang araw-araw kong danas. At kahit hindi naman talaga maipupulis ang sariling danas, ay nahihirapan akong itagpi at itahi ito bilang isang kwentong magkakaroon ng panawagan sa pagbabago.
Pero kailangan bang laging may panawagan sa isang sanaysay? Hindi ba pwedeng isang pagbabalik-tanaw ito sa isang nakaraan at magtala ng kasaysayan? Ganito kasi ang vibes ni sir Niles sa kanyang mga sanaysay. Hindi naman talaga kailangan parating may panawagan. Ang mahalaga, naihulma ng iyong tinig ang hugis, at amoy, at ang pakiramdam ng mundong kinagalawan mo noon. Isang pagtatala ng nakaraan na hindi mawawala sa iyo, lalo na't alam nating mapaglaro rin ang ating mga alaala.
Nagulat ako sa librong naging tangan-tangan ko na biglang naluma kakabulatlat at kakahanap ng mga danas na exotic o kakaiba, pero kung tutuusin, hindi masyado kaiba ang kanyang mga kwento. Nagkataon lang ang lahat ng danas nya ay tungkol sa bayan ng Tabaco, pero hindi lang sya ang kilala kong pumasok ng seminaryo (at lumabas), o nakakilala ng mataray na matandang laging nag-iisa. Ang nakakaaliw at nakakaganda ng mga kwento ay kung paano niya ito isulat, at ano ang naging konteksto noong unang panahon. Naging tangible para sa akin yung rehistro nya ng bicolano at tagalog bilang promdi, kakarampot na pag-iingles (na maaaring naisulat bago sumikat ang blogging at facebook), at ang machong boses (na minsan kinaiiritahan ko as a #teata, char).
Siguro ito yung gusto nya makita rin sa magiging akda ko, kung paano ilalapat ang isang kwentong nakaka-relate ang kahit sino, pero may boses at rehistrong akong-ako, at walang makakagaya nito. Siguro, next time na yung panawagan sa pagpapataas ng antas ng panitikan, kasi hindi naman ako batikang kwentista. Nagsisimula pa nga lang ako, bibigyan agad ng pressure? Eh di malamang, tatalikuran ko iyan at babalik sa pagbabasa.
Pero hindi, gusto ko ring maging kwentista tulad nila.
Isa ang librong ito sa mga una kong binili nang dinala ni Sir Kristian Cordero ang ilang mga libro ng Savage Mind Bookshop sa ika-4 Bienvenido Lumbera Saling Panitik. Binili ko ito agad dahil galing ang tatay ko at ang buong angkan nila sa Tabaco, Albay.
Syempre, tinanong ko ang tatay ko kung kilala niya ba ang mga personalidad ni binanggit ni Breis: si Angela Manalang Gloria at si Sotero Llamas. Nagulat akong kilala niya pala si Angela Manalang Gloria dahil sabi nga ni Breis sa sanaysay, "sa kolehiyo noon, nagpasiya na akong gumawa ng ilang hakbang upang ipamulat sa aking mga kababayan na mas karapat-dapat mapabilang si Angela sa iilang tanyag na Tabaqueña tulad ni Tecla San Andres-Ziga" na inintindi ko bilang hindi tanyag si Angela Manalang Gloria sa Tabaco. Pero nang tanungin ko ang pinsan kong taga-Riosa, hindi naman niya daw kilala si Angela (siguro na rin dahil ipinanganak siya sa parehong taon kailan namatay si Gloria: 1995).
Mas lalo akong nagulat na kilala pala ng tatay ko si Sotero Llamas, at hindi lang dahil nabalita ito minsan sa diyaryo. Naging officer daw kasi ito sa ROTC nila noon. Pero malamang sa malamang daw, hindi siya kilala nito. Sayang, kala ko may kilala na kaming sikat. Pero nakakatuwa rin makitang may koneksyon pala kami ni Niles Jordan Breis kahit papaano.
Interesante rin ang pinakamahabang sanaysay ni Breis sa koleksyon: ang tungkol sa kanyang pagseseminarista. Interesante dahil sa mga nakita kong retrato niya sa Facebook bilang FB friends, hindi ko aakalaing dating seminarista pala siya. Bibihira rin ang mga kuwento tungkol sa pagiging seminarista, lalo pa't hindi tungkol sa pagiging banal ang kuwento ni Breis.
Nakatutuwa rin ang panaka-nakang diyalogo ni Breis sa Bikol-Tabaco (at lalong mas nakatutuwa na naiintindihan ko kapag binabasa nang mabagal at ilang beses). Ramdam talaga ang pagiging awtentiko ng kuwento at kulay ng Tabaco. Lalo pa kung ikokompara ang una't huling sanaysay sa ikalawang sanaysay na tampok sa Quezon. Imbes na mga salitang-Tabaco, mga salitang Latin ang hinahalo ni Breis sa kuwento, at naglalagay naman din ito ng kulay ng seminaryo.
Hindi kinakailangang taga-Tabaco o may hilig sa Tabaco para maintindihan ang mga kuwento ni Breis. Masaya siyang basahin dahil sa kaibuturan ng mga ito, sila ay mga kuwento tungkol sa pagiging tao: isang dating makata na tumanda, isang dating seminarista, at isang dating NPA leader—pero sa kanilang lahat makikita natin ang ating mga sarili kahit na hindi natin danas ang danas nila.