Si Emmanuel T. Barrameda ay isa sa mga manunulat na sinusubaybayan ko. Mula nang maging panauhin ako sa maiikling kuwento niya sa P’wera Bisita, nagustuhan ko na ang mga akda niya, kayâ naging pasahero na rin ako sa mga sanaysay niya sa Balager.
Sa ngayon, lahat ng nalathala nang libro ni Barrameda ay mga koleksiyon: mapa-maiikling kuwento man, mga sanaysay, at ngayon nga’y mga dagli.
Isa sa mga nagustuhan ko sa mga libro ni Barrameda ay laging may malinaw na tema ang anumang koleksiyon niya. Bílang mambabasá at manunulat, tema ang isa sa pinahahalagahan kong elemento sa anumang libro, lalo na kung isang koleksiyon. Tema ang pinakanagbubuklod sa bawat piyesa ng isang koleksiyon. Ang isang koleksiyon na may mga piyesang kahit magkakaiba ng anyo, genre, wika, hába, atbp–basta’t nagkakaisa sa tema–káyang tumayo bílang buong libro.
May mga akda si Barrameda na walang personal na kapit sa akin kayâ hindi ko gaanong nagustuhan bílang mambabasá, pero lahat ng libro niya ay nirerespeto ko bílang manunulat.
Kung ang Distrungka ay mga dagling talanggunita ng mga karanasan sa at karahasan ng bagyo, itong Agua De Mayo ay mga dagling katha naman tungkol sa mas mahina man pero mas madalas namang pakikipagbuno ng masa—sa ulan. Gaya ng iba pang akda ni Barrameda, bida ang masa rito sa Agua de Mayo.
Ang agua de Mayo ay pamahiing nakapagpapagaling ang unang ulan ng Mayo. Sa Pilipinas, pinaniniwalaan ng marami na “himala” ang pag-ulan kapag Mayo dahil tag-init ang buwan na ito.
Marami pang paniniwala tungkol sa pagiging biyaya ng ulan. Kahit nga para sa maraming artist gaya ng mga manunulat, naro-romanticize ang ulan bílang magandang ambiance sa paglikha—mula sa lamig ng panahon na lalong pinasasarap ang paghigop ng mainit na kape, nakare-relax na tunog ng pagpatak ng ambon sa bubong, hanggang sa napipilitang maging productive dahil hassle lumabas.
Pero biyaya nga ba ang ulan para sa lahat?
Biyaya ba ang ulan para kay Ed at iba pang empleado na pagód na nga sa trabaho, nai-“Stranded” pa sa hassle na ngang pagko-commute? Biyaya ba ang ulan para kina Randy at Susan o mga walang pampaayos ng kisame kayâ nagtitiis sa tulo sa “Bubong”? Biyaya ba ang ulan para kay Minerva o mga walang pambili ng dryer, na nabilad sa pagsasabit ng damit pero mababasâ lang palá ang mga “Sinampay”?
Sana nga’y dumating ang araw na biyaya na talaga ang ulan para sa lahat.
Sa ngayon, alinsunod sa pamagat ng unang dagli nitong Agua de Mayo, ang aking mapapayo, kaibígan, para makaraos kahit papaano, magbáon ka na lang lagi ng “Payong, Kaibígan”.