Malikot na pananalinghaga, na tinumbasan ng mapangahas na paggamit ng wika, ang nakatago at nakalakip sa mga tula ni John Brider Tino. Pakinggang maigi ang taglay na musika ng kaniyang mga personang isinatinig ang samot na kamalayan. Walang pasubaling umiigkas at nagtatangkang umungos ang nasabing mga tinig sa mga kumbensiyong sinusundan ng mga kapanahon niya.
— ROBERTO T. AÑONUEVO
Walang kurap na tinitingnan ni John Brixter Tino ang mga luwalhati, pag-asa, at lalo na ang mga kapaitang inihagis sa kaniya ng buhay. Sa halip na magapi lamang, pinaging mga tula niya ang mga ito. Suryalista ang napili niyang paraan para ipahayag ang mga komplikadong danas at pananaw. Humahantong ang lahat sa mga natatanging igpaw ng imahinasyong lumilipad at pumaparoon sa sari-saring dako pero malalim na nakaugat sa sariling sinilangang karagatang pook. Nagluluwal ito ng mga imahen, linya, at talinghagang naiiba at mahirap paghugpungin ngunit nag-aalok ng panibago at magilas na danas tula.
— ROMULO P. BAQUIRAN JR.
Parang paghahayuma sa mga bitak ng malay ang pagbabasa sa mga tula ni John Brixter Tino, dama kong wala na akong mabubuong muli na tulad ng dati, subalit umaasa pa rin akong maisisilid man lamang sa mga guwang, tungkab, at pingas ang "bestiyal nating talambuhay ng mga maaaring kamuhian-at ang mga ritwal ng kaligayahan na reseta sa pagtugis sa walang hanggan. Hindi kalabisang sabihin na isa si Tino sa mga kasalukuyang makata na may lalim ng lupa na kayang pagpunlaan ng lahat ng sukal sa daigdig bago mo matuklasang nalulunod ka talaga sa dagat, na kailangan mong lunurin ang sarili sa mga alon ng pag-aalala, na hindi alaala ang lunas sa mga karamdaman at pagkabahala ng kalikasan, sa panahong naglulunoy ang kasalaulaan samantalang namimingwit ng iba't ibang anyo ng kaligtasan sa mga isla, sa mga pag-iisa, sa di-makamihasnang kabihasnan. Ang hirap ahunan ng mga tula sa koleksiyong ito nang hindi ka manliliit sa makrokosmo ng sentido, sa tabula rasa ng mga pagpapasya, sa grabedad ng mga pagpapahirap at pagpapalaya natin sa mga ama at anak at pag-asa ng mga tahanang nagmamapa ng ebolusyon, subalit mahalagang araw-araw na simulan at ipagpatuloy nang hindi kailangang magpanggap na naniniwala. Napakarami ko nang nabasang bagong aklat ng tula ng mga bagong makata pero ngayon lang ako totoong-totoong nanggilalas-hindi ko alam na "naghahanap ako ng isang tulang hindi isang tula hanggang sa nasumpungan ko ang mga iyon dito at parang kaya kong mahalin nang panibago't paulit-ulit ang mundo. Lilinawin ko: si Tino ang isa sa mga pinakamahusay at pinakamahalagang makata ng henerasyong ito.