May inilalarawan ang kuwento, may ikinukuwento ang drawing. May manunulat at may manunulat, may pintor at may pintor—sila ang nagtatala ng pambansang memorya kaya sila’y mahalaga. Kapag ang talino nila’y pinag-isa, may kakaibang akdang mabubuo. Lalabas ang natatanging husay. Ganito ipinapanganak ang natatangi. Ganito ang ambag ni Erik Guzman Pingol sa una niyang librong Kung may Sining sa Pagkabulok, laging may sining ano man ang maapuhap ng isang tunay na artist.
—Jun Cruz Reyes, Manunulat | Pintor | Propesor
Testamento sa kapangyarihan ng sining biswal at malikhaing pagsulat ang kalipunang ito ng mga graphic story. Makabuluhan nitong ipinapakilala sa mga mambabasa ang mga klasiko at orihinal na kuwento na binihisan ng napapanahong interpretasyon. Marubdob ang bawat pagkukuwento gamit ang marubdob na mga pahayag at imahen. Itinaas nito ang pamantayan at bagong-dagdag na obra maestra sa listahan ng graphic literature sa bansa.
—Eugene Y. Evasco, Manunulat | Tagasalin | Propesor
Malakas ang tono ng hinagpis . . . ang mga adaptasyon sa biswal na anyo ay inilalatag na hindi lang pagbabalik, kundi pagpupugay na rin sa mga mas naunang akdang humubog sa sariling mga pag-aakda ng awtor . . . Naisagawa ito sa pamamagitan ng biswal na rendisyon, gamit ang malilinis na linya kasabay ng magilas na paglalaro sa perspektiba na makikita halos sa bawat kuwadro.