Jump to ratings and reviews
Rate this book

Tanga Ka na Lang Kung Naniniwala Ka pa sa Kapangyarihan ng Kuwento

Rate this book
"Ang hawak mo ngayon ay hindi lamang basta koleksyon ng mga maikling kuwento-isa itong masaker sa anyong-libro. Awtopsiya ng isang bansa. Isang awit ng libing na inihihiyaw ng mga lasing, tambay, at mga kaluluwang hanggang ngayon ay may utang pang dalawang Red Horse at isa't kalahating kaha ng Camel sa tindahan. Sa larangan ng pagkukuwento, wala nang mas kapanapanabik sa ideya ng isang paparating na aberya. Hangga't kaya ng oras at enerhiya, lagi't lagi akong sumisilip sa mga bagong lumalabas na koleksyon, lalo't galing sa kabataang manunulat. At heto na nga ang palagi kong sinasabi sa sarili, may lalabas at lalabas na sintomas ng aberyang, sa palagay ko, dapat lamang na gumimbal sa tradisyon ng pagkukuwento sa bansa."

— Ronaldo S. Vivo Jr., awtor ng Dreamland Trilogy

120 pages, Paperback

Published January 1, 2026

7 people want to read

About the author

Benjo Gutierrez

1 book2 followers

Ratings & Reviews

What do you think?
Rate this book

Friends & Following

Create a free account to discover what your friends think of this book!

Community Reviews

5 stars
3 (100%)
4 stars
0 (0%)
3 stars
0 (0%)
2 stars
0 (0%)
1 star
0 (0%)
Displaying 1 - 2 of 2 reviews
Profile Image for Justin.
23 reviews1 follower
March 23, 2026
Kung babagtasin ang kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas, sinimulang pormalisahin (i.e., institusyonalisahin) ang larang ng pagsusulat nang dumating ang mga dambuhalang halimaw mula Amerika; buhat nito, naging "dapat ganito at dapat ganiyan" ang pagsusulat, at ang pagiging tapat mo rito—sa mga itinakda ng establisyemento, sa dikta ng kanon—nasusukat ang iyong pagiging manunulat. Ngunit, sa kasaysayan din ng ating panitikan ay mayroong mga tumaliwas dito, yaong mga nagsusulat nang di-alintana ang matagal-nang-itinaguyod na mga pamantayan. Ang tawag ko sa kanila ay mga "malilikot" na manunulat; ngunit, mayroon din silang ibang pangalan: ayon sa introduksyon ng kaniyang pinamatnugutang koleksyon, tinawag ni Jun Cruz Reyes (2014) itong mga manunulat na ito bilang mga "pasaway"; sa kabilang banda, tinawag naman nina Dekki Morales, Eman Nolasco, Lenin Mirasol, atbp., ang kanilang mga sarili bilang mga "supot" ng panitikan, o yaong hindi pa mga tuli kung kaya hindi pa nababansagang magaling. Malilikot/pasaway/supot, para sa akin, ang maitatawag halimbawa sa gaya nina Ronaldo Vivo Jr. (2014/2025, 2022, 2024), awtor ng Dreamland Trilogy (may maiksing bahagi ng rebyu tungkol sa kaniya mamaya); Amado Anthony G. Mendoza III (2023, 2025a, 2025b), awtor ng Trilohiyang Reaksyonaryo; Tilde Acuña (2021), awtor ng Oroboro at iba pang Abiso; at/o Napoleon Arcilla III (2020, 2025), awtor ng Maqueda at Dios ng mga Kambing. Sa ganitong klase ng mga manunulat/panulat ko rin maihahanay ang panganay na koleksyon ng mga kuwento ni Benjo Gutierrez (2026), ang Tanga ka na lang Kung Naniniwala Ka Pa sa Kapangyarihan ng Kuwento, na inilimbag ng University of Santo Tomas Publishing House. 


***


Sa kalipunan ng labintatlong kuwentong ito tungkol sa Hagonoy, Taguig, inilalantad ni Guiterrez ang "awtopsiya ng bansa," bilang paghiram sa introduksyon ni Vivo (pah. vii). Hinihimay ni Gutierrez, halimbawa, ang pag-iral ng mga Dios-diosan ("Dahil Wala Kaming Tubig," "Nang Tumawa ang Diyos," "Die Hard Dog-ging Supporters"), ang pagnanasa (o fetishisismo) para sa social mobility ("Ang Tatlong Ulo ng Sitio Pag-asa"), ang pagtatalaban ng alaala't lumbay ("La Niña," "Tustadong Kikiam ni Kobang," "Luz"), at iba pa. 

Sa unang basa, agad na lumulutang ang tinig ni Benjo; naging madali itong sundan sapagkat banayad na dumadaloy at nakagagawa ng imahen ang panibago ngunit pamilyar na transgresibong boses/paraan/pihit ng koleksyon. Kung ikukumpara sa ibang kontemporaryong manunulat, maihahalintulad ito, at, marahil, mapag-iiba rin, sa mga akda nina Ronaldo Vivo Jr., at kaniyang trilohiyang Dreamland, o kay Lourd de Veyra, at kaniyang nobelang Super Panalo Sounds!: mulat sa sariling angas at sensibilidad, na siyang nakapaghahawan ng landas [!] sa kung paano nga ba kinakatha ang isang kuwento. Sa ganitong paraan, wika ni Gutierrez (2023, pah. 369), ay binabasag din niya ang "personal [na] paraan ng pagkukuwento, kasama na ang tradisyonal na henerikong anyo ng mga kuwentong nabasa ko... Mapagpalaya ang pag-aakdang ito para sa aking personal na danas... ipinabatid nitong may kakayahan ako bilang umaakda na basagin ang aking sarili... [upang] bumuo ulit ng bagong materyal." 

Makikita ang kongkretong pagsasakatuparan ng ganitong pagbasag sa tityular na kuwento (o titular story), kung saan, sa salita muli ni Benjo, "sinubukan kong baklasin ang henerikong anyo ng pagsusulat ng maikling kuwento sa pagsisimula sa wakas ng kuwento" (2023, pah. 366): “Wala nang mahabang intro, 'tol. Papangunahan na kitang mambabasa ka… Page one pa lang, malalaman mo na ang tatakbuhin ng kuwento. Goods? Para mas mapabilis ang buhay natin 'tol, ganito na lang: sasabihin ko na lang agad ang ending ng akda para goods tayo pare-pareho't magawa pa ang mga shit natin sa buhay… ang siste sa dulo, may lalagariing ari ng lalaki. Titi, oo. Kung ayaw mo no'n, burat, sige. Puwede ring tarub. Kung ayaw mo pa rin, buto. Kung ayaw mo pa rin, tangina mo na, basta sa dulo kahit anong kambyo ang gawin ko may malalagari't malalagaring ari ng lalaki.” (2026, pah. 111). Dito, taliwas sa nakasanayang pormula—pagpapakilala, pagmumundo (o worldbuilding), pagpapahayag ng suliranin (o conflict), resolusyon—na akin ding kinalakhan bilang estudyante—ay binabanggit agad ni Gutierrez ang mangyayari, tugon sa ligalig ng kasalukuyang panahon; ngunit, hindi lang porma ang binabali rito ni Benjo—sa katunayan, pinihit niya pabalik ang sinasabi niyang gagawing pagbali, sapagkat nagkuwento ito sa loob ng kuwento, dahil ang paglalagaring tinutukoy ay dalawang beses mangyayari: una sa kuwentong nasa loob ng kuwento, o ang kuwento tungkol kay Kenneth at sa anak ni Boss Eds at Aling Mameng; at ikalawa naman sa kuwento ng di-pinangalanang narrator, na siyang narrator din ng unang kuwento, at ang pagkamatay ng kaniyang pinsang si Aping, at ang kagustuhan nitong una na lagariin ang ari ng pulis na pumatay sa huli. Sa ganitong pagbasa, nagiging malinaw na ang ipinapakitang radikal na pagbasag ni Benjo ay hindi isang ganap na pagtalikod sa pormula, kundi isang estratehikong paglilihis ng atensyon ng mambabasa at, sa panahong makuha niya ang atensyon mo uli, ay ipipihit kang pabalik sa kaniyang nakasanayan.

Ngunit hindi lahat ng kuwento sa koleksyon ay pantay-pantay sa ganitong antas ng pormal na pag-eksperimento. Kung ang ilan ay nananatiling nakakulong sa gimik ng pagbali, may iilan namang akda na tunay na nakalalagpas dito—at dito ko nais tumuon, sa mga kuwentong, sa aking palagay, ay nagagawang lampasan ang sarili nilang estratehiya. Halimbawa, nagustuhan kong lubos ang kuwentong “Dahil Wala Kaming Tubig.” Alinsunod sa pamagat ay matagal-nang walang tubig ang buong NCR, at dalawang tangke lamang ng tubig sa Hagonoy ang maaaring pag-igiban: ang sa narrator, sapagkat mayroon silang dalawang tangke, at ang tinatawag nilang “Likod,” na siyang pagmamay-ari ng Kapitan na si Jingon. Dito, mamalas mong magsa-Diyos ang mga tauhan, partikular itong Kapitan, at kung paano magalit ang mga “pipi at bulag” sa tagapagligtas nito—kung paanong ang galit, sa isang mundong hinubog ng kakulangan at paniniwala, ay hindi agad sumisigaw kundi unang naiipon bilang katahimikan (pah. 21). 

Nagustuhan ko rin ang kuwentong “Hanapang Aytum,” kung saan isang delivery rider ang pansamantalang nakaranas maging kabahaging ibon sapagkat nagsabalahibo na parang Galansiyang ang kaniyang mga kamay. Ngunit bukod sa paghahanap ng pampawala ng tama—sapagkat nag-”vitamins” ang pangunahing tauhan at katawa-tawa itong pagsasatitik ng kaniyang mga halusinasyon—o ng “Aytum,” na kontra-Mutya, ay paghahanap din ito ng lugar sa mundo:


Sinamahan niya kong baybayin ang Hagonoy. May mga taong katulad namin: may matandang lalaking naka-sando na may itlog ng manok sa noo, may babaeng nagwawalis na may paa ng usa, may batang may buntot ng kabayo sa leeg, may tambay na may tuka, may mga tsismosang may dila ng tuko. Tanginang lugar 'to, bakit ganito? Mga taong hayop o hayop na tao? Hindi rin ako sigurado. Basta ang alam ko ang nararamdaman ko ngayon, hindi ako mag-isa. 

Binaybay namin ang gubat ng Hagonoy nang dilat na dilat ako. Tinanong ko ang kasama ko kung anong pangalan nya, sabi niya Tsokoleyt na lang daw ang itawag ko sa kaniya. 'Yon daw ang palayaw niya sa hood, dahil kung maitim daw ang mga taga-Hagonoy, siya raw ang pinaka dahil parang mas una pa raw siyang binilad sa araw bago natutong umiyak. Sabi ko, normal lang ba 'tong ganito? Bakit ganito sa Hagonoy? Sabi niya normal raw na ganito rito. Pero kung minsan, gusto nilang inaalis ang mga kahayupan sa katawan dahil sa isang dahilan—gusto nilang kumita ng pera. 'Yon na 'yon ang gusto kong mangyari. (pah. 66–67)


Sinabi ko kanina sa simula na mayroong maiksing bahagi ng rebyu na tungkol kay Vivo, at ito na ‘yon (Tanga-esque?): hayag ang impluwensiya ng nabanggit sa awtor sa kuwentong "Ang Tatlong Ulo ng Sitio Pag-asa," kung saan makikita ang tahasan at liberal na paggamit ni Benjo ng onomatopoiea, o ‘yung pagsasatitik ng tunog, na isang pangunahing katangian ng Dreamland novels; halimbawa, ang paggamit ng tunog na likha ng “Teet! Teet! Teet!” upang ilarawan ang pag-atras ng isang trak ng basurahan; o, ang pagpapahaba (elongation) ng mga salita, halimbawa, ang dayalogong “Tatang, nooooooooo!”, na ibinulalas ni Seryo, isang baklang kasako, o namumulot ng basura mula sa imbakan, nang akmang hahampasin ni Ka Ruska, na isa ring kasako at/na dating tirador (o hitman), sa ulo si Betong, ang isa pa sa tatlong pangunahing tauhan. 

Ngunit hindi dito nagtatapos ang impluwensiya ng awtor sapagkat, para sa mga gustong makita ang Dreamland sa labas ng Dreamland—hindi ko tinutukoy dito ang Dreamland mula sa labas nito kundi Dreamland sa labas ng mga nobela ni Vivo—ay may kuwento rin si Benjo tungkol rito na pinamagatang “Sayawan sa Dreamland.” Dito, bagaman hindi mo makakasalamuha ang mga karakter na nagbigay-buhay sa naturang uniberso—e.g., Benjo, Rey, Dondi, Boni, Sol, atbp.—ay ibinabato ka naman niya pabalik, sa ayaw mo't sa gusto, papasok dito, nang sa gayo’y maranasan mo rin, nabasa mo man o hindi si Vivo, ang lohika ng mundong iyon: mabango ngunit may itinatagong baho, sapagkat puno ito, gaya ng Hagonoy, Taguig, ng mga hayop na nagbabalatkayo bilang tao. [Hindi rin mailap na humalaw/sumalok si Benjo mula sa uniberso ng Dreamland sapagkat, sa kaniyang pasasalamat, isa si Vivo sa kaniyang pinasalamatan para sa pagpapatuloy sa kaniya’t pakikipagkuwentuhan tungkol sa “iba't ibang shit sa buhay, kasama na ang masarap na pagkain, solid na kape, at malamig na Rite n Lite” (pah. 121). Kung anuman ito at anong relasyon nito sa (pagkatha ng) libro ay hindi ko na alam at/o hindi ko na gusto pang alamin.]


***


Hindi nagpapasensya si Benjo sa panganay na librong ito. Sa bawat liko ay makikipagbuno ka sa kaliwa't kanang suntok ng mga katotohanang nagtatago sa dilim—o itinatago nito? (Marahil.) Pinapasok niya sa bawat mundo—bagaman kayliit ng Hagonoy sa kaniyang hiraya—ang pang-araw-araw na buhay ng isang pipi at bulag, ng isang hayop, ng isang nagkukubli, ng isang bata at matanda, at ng marami pang iba na hindi mag-aalinlangang sumalunga sa dikta ng puwersang higit sa kanila. Hindi ito kapuri-puri nang dahil lang sa bago ito't unang koleksyon pa ng libro—kung pangit, pangit!—kapuri-puri ito dahil, kagaya ng ibang nauna rito, ay inuukit ni Benjo sa mapa ng panitikang Pilipino ang kaniyang bayan: mula Pateros ni Vivo, hanggang Kabikolan nina Arcilla at Barrameda; may bighani ito sapagkat. 

Ang koleksyon na ito ay hindi ka lang binabasa—pinapasok ka, pinipilit kang madama ang bawat gutom, galit, at kabaliwan ng mundo ni Benjo. Habang lumalalim ka sa bawat kuwento, ramdam mo na hindi mo lang sinusundan ang naratibo, bagkus ikaw ay nahuhulog, nahahagupit, at nakikilahok sa ritmo ng kanyang mga tauhan. Sa huling pahina, iiwan ka ng koleksyon na may hangin sa dibdib, may alon ng galit at saya, at may tanong sa sarili: kung pumasok ka sa mundong ito, makakalabas ka pa ba nang hindi pareho ang iyong pananaw, damdamin, at tibok ng puso? 
Profile Image for Cam.
51 reviews6 followers
March 28, 2026
Magaan basahin ang mga kwento pero mabigat sa dibdib. Mahirap mamili ng paborito, pero may 3 kwentong nang matapos ko ay sinara ko sandali ang aklat sabay napatingin sa imaginary audience ko dahil sa feels:

- 7-ELEVEN
- NANG TUMAWA ANG DIYOS
- SAYAWAN SA DREAMLAND

Solid!!!
Displaying 1 - 2 of 2 reviews