May mga bágong konsepto at paliwanag ang makukuha rito bukod sa pagsangguni sa mga naunang batayang aklat sa Filipino. Ang mga aktibidad at pagsusulit ay makatutulong sa pagpapalalim pa ng kakayahan at kaalaman hinggil sa mga bahagi ng pananalita.
Batid ko na ang “pawatas” ngunit laking gúlat kong ang “watas” pala ay “pagkaunawa sa narinig.” Gayundin, ang “nakayuko” na tila naglalarawan ay isang halimbawa ng pandiwari. Isa pa, ang gerund pala sa Filipino ay “pangngalang-diwa.” Kung naka-ing sa dulo ang sa Ingles, madalas ay naka-“pag-” at-“pa” sa atin.
Gayumpaman, madalas kong mapansin ang typographical error. May inkonsistensi rin minsan. Sa talahanayan sa páhiná 14–15 ay naulit lámang ang laman. Ang ibang subheading ay nahihiwalay sa paunang talata nito na dapat sana ay nása kabilâng páhiná na. Ang nangyari, nása pinakababâ ng naunang páhiná ang subheading.
Sa p. 89, ang pandiwa sa pangkasalukuyan ay nakapangnagdaan pa rin. Sa p. 91, may mali. Nakasaad dito na “sa aspektong pangnagdaan o IMPERPEKTIBO.” Hindi ba’t “perpektibo” ito? Sa p. 91, gumamit ng siyokoy na “aspeto” at may isang pangungusap na dapat sana ay ginamitan ng tuldok o kuwit na lang.