May mga saglit na pangyayaring magpapabago sa ating buhay habangbuhay.
Nang biglang umatake sa buong mundo ang isang kakaibang sakit, walang-kawala ang lahat. Walang sinisino ang virus na nakakamatay. Nagsimula ang pandemya na hindi natin namamalayan at magkakaroon ng malaking epekto sa ating mental, pisikal at panlipunang kalagayan bilang inbibidwal at mamamayan.
Sa lahat ng pangyayaring ito, ang manunulat ay saksi sa mga kamatayan at panganib na ating kinaharap sa isang iglap. Binago ng pandemya kung paano natin tinatanaw ang ating pag-iral bilang tao. Naging mitsa ang sakit upang suriin ng manunulat ang silbi ng kanyang panulat. Sinikap niyang panghawakan ang mga salita at talinghaga upang angkinin ang natitirang lakas, lunas, at pananampalataya.
Narito ang koleksyon ng mga dagli na bagaman limitado ang mga salita at tila maiikling tala, sinaklaw naman nito ang ating danas sa panahon ng pandemya.
Kung wala man katiyakan ang hinaharap, kahit papaano’y maaari natin itong silipin sa isang iglap.