"Gusto kong pag-usapan ang librong ito. Dahil gusto kong kinukwentuhan ako ng kwento. Hindi sinasabi sa akiin ng kwento ang dapat kong maging damdamin at pasya. Dahil dinadala ako ng mga kwento sa mga lugar na hindi ko pa narating o narating na pero iba ang nadatnan ko, mga taong kilala ko pero gusto kong kalimutan o mga nakalimutan na pero gusto ko muling makilala, mga kuwentong pamilyar na pero nagiging bago dahil bago ang nagkukuwento. Swabe, chillax lang ang hindi obvious na nagpapatawa, nagpapagalit, pang-iinis, pagpapakilig at pagbubuntong-hininga. Dahil sa totoong buhay naman talaga, parang mas tumatagal at natatandaan ang mga kuwentuhang natural, mula sa puso at bituka, walang imposisyon at pamimilit." —Eros Atalia
Taga-Coloong si Joselito D. Delos Reyes. Bago siya maging guro ng Humanities, Literature, at Journalism sa Unibersidad ng Santo Tomas, nagtrabaho siya bilang Barangay Secretary ng Coloong, empleyado ng pamahalaang panlungsod ng Valenzuela habang isang semestreng gurong panggabi sa PLV (Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela), project manager ng isang IT firm sa Ortigas, at guro sa Southern Luzon State University.
Maliban sa Coloong Elementary School at Valenzuela Municipal High School Polo Annex (Polo National High School ngayon), nagtapos din siya sa Philippine Normal University sa kursong BSE Social Science at sa De La Salle University sa kursong M.A. Philippine Studies. Sa De La Salle University sa Maynila rin niya kinukuha ngayon ang kaniyang Ph.D. sa Philippine Studies.
Inilathala noong 2005 ang una niyang aklat, “Ang Lungsod Namin” ng National Commission for Culture and the Arts. Nagkamit na siya ng iba’t ibang pagkilala at pambansang parangal para sa kaniyang isinulat, ikinukuwento, at sinasaliksik: 2nd place, UNESCO On-The-Spot Poetry Writing, Philippine Normal University (2008); 2nd place, ika-8 Gawad Pampanitikan (Tula), PNU; Ikatlong Gantimpala, Gawad Komisyon sa Tula (2003); Grand Prize, 1st Maningning Miclat Awards for Poetry (2003). Noong 2003, nakamit niya ang pinakamataas na pagkilala para sa mga natatanging mamamayan ng Valenzuela: ang Dr. Pio Valenzuela Memorial Awards sa larangan ng Journalism at Literature.
Naging fellow siya para sa maikling kuwento sa 9th Ateneo National Writers’ Workshop, para sa tula sa 9th Iyas Creative Writing Workshop sa Lungsod ng Bacolod at sa 36th University of the Philippines National Writers’ Workshop sa Lungsod ng Baguio. Tatlong taon na siyang panelist ng UST Creative Writing Workshop. Kasaping tagapagtatag at dating pangulo siya ng Bolpen at Papel, PNU Creative Writers’ Club. Nalathala sa mga dyornal, antolohiya, pahayagan at magasin ang kaniyang mga akda, pananaliksik, at salin. Nagpapabalik-balik siya sa mga palaisdaan ng Coloong at sa hamog at halumigmig ng Banahaw upang makapiling ang kaniyang dalawang anak, sina Divine at Esperanza, at asawang si Angela na guro ng physics sa Lucban Academy.
Matagal ko nang nabasa ito pero hindi ko pala nagawan ng rebyu. Sorry na, Sir Joey. Bakit sorry? Kasi pumunta pa kami sa Malolos para interviewhin sya. So, for the whole day, kasama namin sya. He toured us around Malolos and even showed the wharf that was the setting of one of the stories. Yong kung saan sila naghahapin ng tatay nya o kung saan naka-pondo yong mga bangka.
Maganda yong mga kuwento rito. Ang natatandaan ko ay yong tungkol sa mga politicians noong paslit na bata pa sya at yong community nila. Yong pagkaka-describe ng lugar parang ramdam mo na naroon ka at nakikita yong mga tao sa paligid mo. Tapos doon sa interview over lunch (na sya rin yong nag-suggest, karenderia pero masarap yong luto at kilala sya noong may-ari) ay binanggit niya yong kuwento at may mga dagdag pa sya na wala sa kuwento mismo. Yon ang nami-miss ko sa Pinoy Reads Pinoy Books tours at interviews. May mga tsismis ka pang masasagap.
Sorry na, Sir Joey pero hindi ko matandaan yong ibang mga kuwento. Babawi na lang ako sa susunod na libro mo.
Isang kuwento lang ang tumatak sa akin, yung "Bethany." Yung ibang mga kuwento sa aklat, mahahaba lang pero hindi ko maramdaman. Ang gusto ko lang dito, malawak ang kaalaman ng manunulat sa mga paksa niya.
hindi pilit ang pagkakasulat. para ka lang nakikinig ng kuwento, maaaring sa bahay- sa lolo’t lola mo, sa mga kaibigan, o kaya naman sa kanto, yung mga kwentong hindi kailangang may aral kang makukuha. mahusay.
Regalong mahalaga pa sa regalo. Isang paglalakbay na hindi ko makakalimutan. 12 Kuwento mo sumasalalim sa pagpapakatao. Madaling maging tao pero mahirap magpakatao. Maraming Salamat! Joselito D. Delos Reyes
Mahirap gawin ang ganitong kalipunan ng maikling kuwento. May malawak na baryasyon ng tema. May kuwento ng guro. May kuwento ng mamamahayag. May kuwento ng anak ng beterano ng digmaan. May kuwento ng batang trabahador sa pabrika.