5 stars dapat, pero may isang isyung bumagabag sa akin. Actually, laging bumabagabag sa akin sa tuwing bibili ako ng libro, o mas actually, sa tuwing bibili ako ng anumang bagay. Sabihin ko mamaya.
Pero una sa lahat, sobrang panalo talaga itong komiks na ito. Nasabi na lahat ng reviewers dito lahat ng mga akmang papuri na gusto ko sabihin at himayin. Grabeng danas sa akin habang nagbabasa, simulang mga pahina pa lang (na paborito kong bahagi, yung babaylan na nag-intro, ta's yung transition sa dalawang bathala, ninamnam ko talaga ang pagtamasa sa 'kin ng mga imahe--yung artistic depiction ng salaysay, paneling, yung designs at motif, yung mga kulay na ginamit, grabe talaga... Nasabi ko na lang: "Ito siguro pinakamagandang komiks na mababasa ko since Andong Agimat (2008)."
So 'yun nga, solid! Muli, nasabi na ng iba ang mga gusto ko sabihin dito, kaya 'yung bumabagabag na lang sa 'kin ang idadagdag ko:
As a printed book, ang laki at ang mahal niya!
550 pesos.
Pero sa totoo lang, mura na 'yon para sa ganito kalaking libro (8 x 12 inches), at kung ikukumpara sa pagpepresyo sa imported books. Ang kaso, mabigat ang 550 pesos para sa mga taong gusto ko makabasa nito: ang uring manggagawa. Ang masa.
Since tampok rin sila sa istorya sa komiks na ito, karapat-dapat silang makabasa nito, di ba? Kung kaya ko lang bilhan bawat isa sa mga kilala kong nasa ganitong social strata, kaso olats, may pagka-lumpen din kasi ako, minsa'y sinuswerte lang makabili ng mga libro dahil wala pa naman akong pasaning pamilya o kamag-anak.
Ang mungkahi ko sana, maglimbag sana ng edition na abot-kaya ng mga gaya nina Ramon at Anais. Paliitin nang kalahati ang laki, bumaba ang presyo sa 100-200 pesos, kahit maging monochromatic o b&w halos ang karamihan sa pages, ang mahalaga'y mabasa ang content at substance. Kung tutuusin, ang mga nakaluluwag na kayang maglaan ng 550 pesos, karamihan sa kanila, aware na sa mga isyu/diskurso ni Emiliana na gusto niyang mabigyan halaga at pansin, tipong mga gaya nina Rahman at Dylan na gagabay sa mga naaarabiyado sa lipunan, mga naeetsapwera, buhat nga ng kakulangan sa kaalaman at pera, na mareremedyuhan sana kung magkakaroon ng pag-unawa at kamalayan sa kanilang potensyal at karapatan, na may mga nagpapahalaga sa kanila sa kabila ng kanilang mga kalbaryo, na may solusyon sa mga ito, halimbawa nga'y kung matutuhan nila ito mula sa pagbabasa ng mga ganitong uri ng akda, at maging mulat rin sa mga masisining na bagay na hindi makukuha sa mala-junk food na hinahain ng telebisyon at radyo--mga karaniwang accessible na media sa kanila na detrimental naman.
'Yun po. Sana mabigyang pansin.
Pero talagang hands-down sa obrang ito, Emiliana. Salamat sa paglikha nito! Salamat rin sa mga taong involved para matapos ito at mailimbag! Sa Anino comics, sobrang saludo sa inyo sa paglabas ng ganito! Isang malaking (pun bitterly intended) ambag sa panitikan, sining at bayan. Sobrang salamat sa inyo!