" Wala akong nakikitang masamâ sa pagsusuri sa ating lumipas upang lagumin ang ating mga kabiguan, pagkakamali, at kahinaan; ang pagkukusang umamin ng mga pagkakamali ay pagpapakita kahit papaano ng kapuri-puri at marangal na hangáring magpakabuti at magwasto."
-Apolinario Mabini, Ang Rebolusyong Filipino (salin ni M. Coroza)
Matapat, pulido't nakakapukaw ng damdamin.
Maraming ibinubukas at binibigyang linaw ang mga pananaw ni Mabini ukol sa rebolusyon. Kahit pa sabihing ito'y mga personal na mga pagmumuni-muni lamang, hindi pa rin matatawaran ang kritikal at tapat (sang-ayon sa kanya) sa puso't katwiran nitong pagtatasa ng mga pangyayari sa nakaraan na siyang humubog sa kung ano'ng bansa ang Pilipinas ngayon.
Mahalagang mabasa ang mga talang ito upang makita natin ang kasaysayan ng rebolusyon sa punto de bista ng isa mga mahahalagang karakter nito. Ang pagbabasa rito'y isang rebelasyon para sa akin. Lalo na sa mga detalyeng tanging si Mabini lamang ang makapagpapaliwanag (e.g., ang kontrobersiyal na pagkamatay ni Luna, si Rizal bilang personalidad ng rebolusyon atbp).
Ngayong nalalapit na naman ang araw ng kalayaan, naiisip ko'ng mga saloobin ni Mabini patungkol dito't sumasang-ayon ako (magpasa hanggang ngayon) na isa itong "kawalan ng bait".
Nagkataon na ito na pala ang ika-200 na librong nabasa ko (sang-ayon sa goodreads) na naitala sa website na ito. Pano'y nitong mga nakaraang taon ay hindi na rin ako naging aktibo sa pag-uupdate at paglalalaan pa ng panahon para itala pa rito ang mga nabasang akda.
Anu't anuman, hindi naman iyon ang makasusukat sa esensya ng pagbabasa. Pagkat mas kumplikado ang buhay[ hindi ba? ]. Bigla ko tuloy namiss ang pag-aaral ng Kasaysayan na siya naman talagang una kong napusuan nuon pa man.
Unti-unti, nais kong magsimula ulit. Kaya heto, tamang review lang matapos ang mahabang panahon ng pagkalagalag.
Maganda ang hangarin ni Mabini sa pagsusulát nitó: ang madalumat ang mga pangyayari sa rebolusyon nang sa gayon ay maging kapaki-pakinabang sa kasalukuyan at hinaharap. Bagaman hindi niya hangad ang manisi at magbigay ng mga pangalan, kinakailangan ito upang lubusang mabatid ang kasaysayan. Makikita rito ang tunay na talino ni Mabini sa pamamagitan ng pagbibitaw niya ng mga opinyon. “Kung ganito sana ang nangyari at kung hindi ganito, bakâ ganito ang maganap.”