Tinawag itong tulambuhay upang tumukoy sa pingkian ng mga usaping panlipunan at panitikan o ng pakikibaka at pagkatha ng isang rebolusyonarya. Taglay nito ang salimbayan ng paglalayag sa daigdig ng talinghaga at arena ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Sa esensiya, may pag-aangat ito sa tula bilang makabuluhang aspekto sa pagbuo at pagdurugtong ng mga tala sa maikling buhay ni Ma. Lorena Morelos Barros.
Mula sa tipikal na estudyante, namulat si Lorena sa mga usaping panlipunan. Makikita rin ang pag-unlad ng kanyang panulat mula sa pagiging burgis patungo sa rebolusyonaryo, patunay diyan ang kanyang mga nasulat noong bata pa siya hanggang sa mga nasulat niya noong nagi na siyang pulang mandirigma. Makulay ang naging buhay ni Lorena at naging masalimuot ang kanyang buhay pag-ibig. Isang babaeng tunay na kahanga-hanga.
Sa pabalat, makikita ang isang babaeng nakangiti, at sa likod nito'y ang mga salitang "ibagsak ang imperyalismong Amerikano at katutubong piyudalismo" na simbolo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Siya si Lorena.
Isang ina, kadre, makata, feminista, rebolusyonarya, at aktibista sa panahon ng diktadurang Marcos. Si Lorena ay isa sa mga maituturing na tunay na artista at anak ng masa't bayan. Kinatha sa librong ito ni Pauline Hernando ang isang komprehensibong talambuhay ni Lorena. Mula sa kasaysayang ng kanyang pamilya; sa pagiging isang huwarang mag-aaral at yaman ng kanyang departamento dahil sa kanyang husay at talino; sa pangunguna niya sa mga organisasyon at kilos protesta para sa karapatan ng mamamayan at mga kababaihan; ang kanyang mga istorya ng pag-ibig at pagkabigo; at kung paano umigpaw si Lorena mula sa peti-burges o mula sa intelektwal at panggitnang pwersa patungo sa pagiging isang rebolosyunarya at pulang mandirigmang mulat sa reyalidad at lubog sa sitwasyon at pagkilos ng masa.
Gaya ng gustong idiin ng awtor sa pamamagitan ng pagkatha sa rebolusyonaryang si Lorena, makapangyarihan ang panulat. Ito rin ang naging kasangkapan ni Lorena sa pakikibaka; estratehikong ginamit ni Lorena ang kanyang panulaan upang ilantad ang "wika ng panlilinlang at kalupitan ng imperyalismo", piyudalismo, kapitalismo, at iba pang uri ng pansasalamntala at eksploytasyon. Sa mga tula at prosa ni Lorena na tinipon ng awtor, mahusay nitong naipagkabit-kabit ang istorya at transpormasyon ng isang manunulat mula sa isang artista tungo sa pagiging artista ng bayan.
~
Hindi biro ang naging pakikibaka at pakikipaglaban ni Lorena. Basahin natin ang librong ito, at nawa ay katulad ni Lorena'y maging "mulat at sulong na elemento" tayong mga Pilipino, na "batid ang karaingan ng sambayanang pinagsasamantalahan."