Saksing nagsasalaysay ang pedestrian ni Gerome Nicolas Dela Peña sa koleksiyong ito na, sa aking palagay, ang siyang naging tatak niya bilang manunulat na nakikisangkot sa mga usaping panlipunan sa pagdaan ng panahon. Hindi lamang naging kasapi si Gerome ng Tanggol Wika, kundi nagsilbing timon din ng mga guro at estudyante sa kanyang paaralan para sa pagpapaunlad ng panitikang makabayan. Sa larangang ito siya nakatanggap ng paggalang. Sunod namang natanggap siya bilang kandidatong kasapi ng Kataga-Manila. Laging huli sa kanyang batch, ngunit hindi nasiraan ng loob, nagpatuloy hanggang sa maging ganap na kasapi. Sa katunayan, nahuli rin siya sa lunsad-aklat ng aming antolohiyang Tuwing Umuulan, sa dahilang nagbasa pa siya ng panayam sa isang kumperensiya sa UP Diliman para sa ika-200 kaarawan ni Karl Marx.
Ang mga tulang nasa koleksiyong ito ay halos maituturing na panitikang testimoniyal. Pasalaysay nga ang bitaw ng mga taludtod. Ang mahalaga’y nailalangkap ang damdamin at isipan sa realidad. Ano’t ang relasyong pag-iibigan ay relasyong puno ng kontradiksiyon nang “Huminto ang mga sasakyan / subalit nag-unahan naman ang mga luha / sa pisngi dulot ng iyong nasaksihan.” At hindi maiiwasang maging saksi sa karahasang nangyayari sa paligid nang “Nakita mo ang lasog- / lasog na katawan ng isang pusang / kalye na halos manikit na lamang / sa mainit na aspalto sa tanghaling tapat.” Silang “hindi / maipinta ang mukha ng mga nakakikita / sa sawimpalad na bangkay” ay inilarawan niya, hindi bilang tagalabas, kundi kabahagi sa kolektibong danas. Kaya naman naiangat na ni Gerome ang pedestrian bilang isang karakter na nakayayamot patungo sa pagiging tagamasid.
Naglalangkap siya ng mga pambihirang imahen. Gaya na lamang ng palihim na pag-iikot ng mga plato sa bawat pamamaalam, gunitang tulad ng isang perlas sa loob ng puting sobre, at ulo ng makasalanan ang kinagatang mansanas. Nang ilarawan niya ang pagkamulat ng isang manggagawa (“Winasak mo ang aliping nasa salamin. / Umagos ang dugo sa iyong mga mata / subalit nanatiling nakatitig ang katotohanan”) ay para bang nagpapaalala sa atin ng maaaring mangyari, sakaling magpasiya tayong mag-aklas sa pagkakatali sa sistema ng pang-aalipin. Binigyan tayo ng mga opsiyon, gamit ang paghahambing sa pag-inom (“Ilalagay mo ba sa baso /at dadagdagan ng yelo para mas swabe / ang daloy sa lalamunan o lalagukin na lang / sa mismong bote ang alak na nasa harapan.”). Sa huli, nasa atin na ang pagpapasiya kung paano tayo kikilos.
Mark Angeles Ganap na Kasapi ng KATAGA, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas Komisyon sa Wikang Filipino - Makata ng Taon 2016 at Gawad Carlos Palanca– Unang Gantimpala sa Tula 2016
Si GEROME NICOLAS DELA PEÑA ay guro ng Filipino at Panitikan sa De La Salle University – Manila at Manila Tytana Colleges. Kasalukuyan niyang tinatapos ang digring PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman.
Siya ang Ikalawang Pangulo sa Edukasyon ng KATAGA (Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas) at isa sa mga Tagapamahalang Patnugot ng Luntian: Online Journal para sa Malikhaing Akda ng mga Guro at Gradwadong Mag-aaral. Naging Finalist ang kaniyang aklat na Suóng: Mga Aporismo ng Paglusong at Pagsulong (8letters Bookstore and Publishing) sa 40th National Book Awards – Nonfiction Category. Ginawaran din siya ng Outstanding Faculty Adviser bilang Tagapayo ng DLSU Writers’ Guild sa 13th Annual Pillar of Lasallian Educators Excellence Awards (2025).
Awtor siya ng walong (8) aklat ng mga sanaysay at tula sa Filipino. Mababasa rin ang kaniyang mga malikhaing akda sa ilang mga antolohiya at diyornal sa loob at labas ng bansa.