BABALA: TADTAD NG SPOILER
Totoo ngang "nakatatawa, nakatutuwa, nakapagpapataas ng kilay, at kumukurot sa puso" ang 12 Kuwentong Pamasko ni Rene O. Villanueva. Binubuo ang koleksiyon ng mga kuwentong kumakatawan sa Pasko, at sa mga pangyayari na may kinalaman dito. Kung nabasa mo na noon si Villanueva, alam mo na na marami siyang nakaaaliw na kuwentong pambata, subalit hindi lahat ay ganoon; may mga kuwento rin siyang baka malungkot ang bata kapag nabasa ito (o kung binasa mo ito sa bata). Kaya patnubay ng magulang ang kailangan, maging sa pagbabasa ng mga kuwentong pambata.
Modernong alamat ang atake sa "Alamat ng Parol", "Alamat ng Bibingka", at "Alamat ng Puto-Bumbong" sa koleksiyong ito. Sa Alamat ng Parol, mula sa paggawa ng saranggola, aksidenteng makagagawa ng parol ang batang si Tiririt, kasunod ng kuwento ng kaniyang ina tungkol sa bituin na nagsilbing giya ng tatlong hari, upang makarating sa kinaroroonan ng bagong silang na Mesiyas. Aksidente rin ang pagkakagawa ng bibingka at puto-bumbong sa dalawa pang kuwento. Sa Alamat ng Bibingka, nagkasakit ang punong kusinero ng prayle na si Maestro Quiroga, kung kaya't ang kaniyang muchacho na si Teofilo ang bumalikat sa pagluluto ng puto. At dahil may pagkalampa itong si Teofilo, aksidente niyang magagawa ang paborito nating bibingka, na sunog ang ilalim pati ang ibabaw. Tila pinag-trip-an naman si Mamerta kung kaya't nawala ang kaniyang gagamitin sa pagluluto ng puto ang dahilan ng pagkakaimbento ng puto-bumbong sa Alamat ng Puto-Bumbong. Dahil nawala ang kaniyang mga sangkap, pinayuhan siya ng isang misteryosong bata na kulot ang buhok at asul ang mga mata na gamitin na lang ang mayroon siya, para makasali sa paligsahan ng pagluluto ng puto, na magtitinda sa tabing-simbahan ang siyang mananalo.
Iniiwasan naman si Istariray: Ang Bituing May Buntot sa kaniyang kuwento dahil naiiba siya sa mga bituin, ngunit malaki ang kaniyang magagawa para sa sangkatauhan. Ipinapakita ng kuwento na hindi lahat ng pamahiin, dahil naiiba ang isang bagay, ay kailangan nang iwasan o katakutan. Alaala naman ng mga bagay na pinaglumaan ang nilalaman ng 'Wag Na Sanang Mag-Pasko! at Va-Va-Voom! Sa 'Wag Na Sanang Magpasko, nangangamba ang tsarol na sapatos na si Chari sa paparating na Pasko, dahil natatakot siyang mapalitan ng bagong sapatos para kay Cha, ang may-ari sa kaniya. Sa Va-Va-Voom, isang lumang laruang kotse naman ang magbabalik-tanaw noong bago pa siya, sa piling ng kaniyang kaibigang si Tikoy (ang may-ari sa kaniya) na ngayo'y isa nang ama.
Isa namang pabula ang Pasko ng Tatlong Ungas, kung saan tatlong daga ang magkakaroon ng landas sa pagkakaroon nila ng bubuwit sa kanilang buhay-daga. Kasaysayan naman ng Pasko ng Rebolusyong 1896 at Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang laman ng Hi-Hi-Hi! Hu-Hu-Hu! Isinalarawan dito ang saya at hapis ng mga Pilipino sa panahon ng Kapaskuhan, sa yugto na gumagawa tayo ng kasaysayan upang makamit ang kalayaan. Tulang Pambata naman ang Buking si Santa! na halaw sa The Night Before Christmas ni Clement Clarke Moore.
Kung may nakapagpapataas ng kilay sa labindalawang kuwento, sa tingin ko, ito 'yung Pasko ni Kindat, Noche Buena, at Segunda-Manong Fruitcake. Isang manika si Kindat na binili ng mag-asawang walang anak bago sumapit ang Pasko. Hiniling ni Kindat sa Diwata ng mga Laruan na maging tunay na bata. Hindi ito nalalayo sa Nemo, Ang Batang Papel na isinulat din ni Villanueva; parang ginawa lang pamasko. At kung nabasa mo ang Nemo, alam mong hindi ito masayang kuwento. Sa Noche Buena, may mga tagpo lang na nakita kong problematiko para sa akin, tulad na lang ng pagpapakita ng pangkistang galit sa Pasko. Puwede namang pulis na lang na galit sa mga batang nagtitinda sa bangketa. Lol. Isa pa sa nakita ko, eh 'yung biglang pagyaya ni Daniel sa bidang si Cita na samahan sila sa noche buena. Nakulangan ako sa kung paano niya in-approach si Cita, kasi hindi naman sila magkakilala. Tungkol naman sa Segunda-Manong Fruitcake, hindi ko alam kung hate ni Villanueva ang fruitcake. Ayaw ko rin ng fruitcake, pero ayaw ko 'yung pinagdaanan ng fruitcake sa kuwento, kasi ayaw ko na pinaglalaruan ang pagkain, lalo na ang babuyin ito. Kaya kagaya ng sabi ko sa itaas, kailangan ng patnubay ng magulang sa kanilang mga anak sa pagbabasa ng kuwentong pambata, lalo na kung may mga ganitong kuwento sa isang koleksiyon.
Sa pangkalahatan, naaliw ako sa maraming kuwento sa aklat kahit hindi ko nagustuhan ang tatlong kuwentong nabanggit ko na. Naging maganda rin ang mga ilustrasyon ni May M. Tobias sa mga kuwento---nakadagdag ng giliw sa pagbabasa. Kung wala ang ilustrasyon ni Tobias, malamang hindi mo mararamdaman na mga kuwentong pamasko ang binabasa.
Hindi tayo pare-parehas ng Pasko. May nasa lansangan at nagbabanat pa rin ng buto kahit Pasko, katulad ni Cita sa Noche Buena. May mga batang hindi maramdaman ang kanilang pagkabata katulad ni Kindat. May mga ayaw sa fruitcake (pero please huwag n'yong paglaruan, lalo na ang babuyin ito). May mga magpapaskong sagana, may mga magpapaskong walang-wala. At bullshit ang pahayag na kasya ang 500 pesos sa noche buena, lalo na kung galing ang payo sa taong hindi naman maghahanda ng 500 lang sa kanilang noche buena.