May angking mahika ang mga tula ni Ralph Fonte tungkol sa agham na makikita sa Ang Kartograpiya ng Pagguho. Bukod kasi sa kakayahan niyang lunurin ka sa kaniyang paghaharaya sa haynayan at pisika, walang humpay rin ang kaniyang hagod sa wika sa pag-akit sa iyo na huwag tumigil sa pagbabasa. Puno ng ambisyon, ang libro niya ay isang elehiya para sa mga taong minahal, iniwanang lugar, lumubog na pulo, at nilimot na bayan. At bagaman kinukumutan ng karimarimarim na realidad ng paglisan ang koleksiyon, nananatili sa mga siwang ang pag-ibig: Magkaiba ang minatamis at ang matamis. / Ang litrato at ang ngiti mo. / Liham at tinig. Na kahit sa tula tungkol sa pagsasalin ng materya sa liwanag, matututuhan mo na may pag-ibig sa pamamaalam: Ganito ang mundong walang araw: / laging hinahabol ang hininga at ang iyong alaala. Sa pagmamamapa ni Fonte ng pagguho, kasama ka sa mga madudurog. Ngunit, kaakibat nito ang pagkakatanto na ang bawat bitak na iyong sisimutin, ay minsan ding naging iyong puso—na gaya ng ating makatang kartograpo, minsan ka ring nagmahal. Isang doktor sa tunay na buhay, ipinapakita ng kaniyang mga tula ang kakayahan niyang hiwain ang iyong puso gamit ang matatalim na talinghaga. Tiyak siya sa kaniyang pagtistis, planadong maigi ang rubdob ng mga salita gaano man kahaba ang mga taludtod. At ang lunas na kaniyang inihahain ay ang hiwaga ng kaniyang mga talata.
Sa ganang akin, nararapat lamang na marahan mong bagtasin ang lumbay kasama si Fonte sa librong ito. Sabay niyong danasin ang pagguho, sabay tingnan ang puso at paglamayan ang minsang dati’y buo.