Pang-anim na libro ko na sinulat ni Bob Ong: ang totoong may kabuluhan!
Naglalarawan ng totoong katatayuan ng bansa noong panahong lumabas ang libro: 2002. Kauupo pa lang ni President Gloria Arroyo at kaguguho pa lang ng World Trade Center sa New York. Tinutuligsa ng Erap loyalist si Gloria at ang mga backers nitong mayayaman. Hinahanap naman ng mga Amerikano si Osama Bin Laden. Habang si Bob Ong ay masayang nagsusulat dahil pumatok sa masa ang kanyang unang libro, "ABNKKBSNPLAko?" na lumabas noong 2001.
Kagaya ng nauna kong binasang "Hudas", pinagtaypi-taypi pa rin itong mga kuwento at saloobin. Sa halip na conversation between God (na napagkamalan ni Bob Ong na si Lucifer, que horror!) at ng karakter ni Bob Ong, ang ginawang springboard ng libro ay ang mga messages sa dating sikat na blogsite na tinatawag na Bobong Pinoy (mahal daw mag-maintain kaya tinigil na ni Bob Ong). 5 stars sana ang ibibigay ko rito kung di ko sana nabasa na ang ibang mga messages sa aking inbox maraming taon na ang nakakaraan. Tanggap ko rin na may mga ex-Pinoy na mahilig mamuna sa atin dito sa Pilipinas ganoon wala naman silang ginagawa kundi ngumawa at di man makaisip ng paraan para isalba ang kanilang lupang sinilangan. Sa Korea raw, umalis rin ang maraming Koreano (natural, alangan namang Hapon he he) dahil sa gulo ng giyera. Pero bumalik sila matapos ang gulo at tumulong na i-rebuild ang bansa. Hindi ko na nilalahat pero mas marami ang dakdak lang ng dakdak sa internet na ex-Pinoys pero wala ngang ginagawa.
Marami ring magagandang puntos na nais iparating si Bob Ong sa librong ito. Tumbok nya sa dulo na ang mga "Onli in da Philippines" ay hindi lang talaga naman dito sa Pilipinas. OA lang ang ibang tao lalo na yong nagkukunwaring alam nila ang kabobohan din ng ibang lahi. Yong mali-maling inggles? Marami rin nyan sa China. Tayo lang ang kung makapanlain sa kapwa natin na may maling grammar, akala mo naman ay Oxford English ang alam.
Gusto ko nag talatang ito: "Naniniwala akong may pag-asa pa ang Pilipinas. Makikita mo ito sa mga Pilipinong karaniwan nang nagbabalik ng mga nawalang pitaka na naglalaman ng libu-libo - at minsan, milyong piso. Makikita mo rin ito sa mga namamasukang yaya sa ibang bansa, na nagbubuwin ng buhay para iligtas sa disgrasya ang mga ala nilang bata. Simpleng pakinggan, pero kung iisipin mong galing sa third world country ang mga taong may ganyang prinsipyo, na kung saan ang perang maiuuwi sa pamilya ay walang kasing halaga, makikita mo na buhay pa rin sa ugat ng Pilipino ang dugo ng mga bayani."
Bago ang librong ito, akala ko nanloloko lang asi Bbo Ong. May karapatan rin pala siyang tangkilikin at basahin ng mga Pilipino. At ang librong ito ay hindi lang pang-kabataan, bagkus dapat basahin ng maraming Pilipinong nagmamahal sa sariling bayan. Maganda ring basahin ito sa pagsisimula ng taon para makapagbigay ng inspirasyon sa atin.
Sana sumulat pa ng maraming ganito si Bob Ong!