What do you think?
Rate this book


106 pages, Paperback
First published January 1, 1981
Sa Mata ng mga Maralita
(Suring Aklat ng Utos ng Hari at Iba Pang Kuwento ni Jun Cruz Reyes)
• Trilohiya: Nagpupugay—Mga Tauhan sa Looban (1977) — binubuo ng tatlong tapusang maiikling katha ang unang kuwento: A.) Sulat Mula sa Kanto – kuwentong tambay ang estilo at inilalahad sa pabalbal na pananalita ang pambungad na istorya na naglalarawan ng mga daing at angal ng isang (ano pa nga ba?) tambay. Noong una’y nagtataka ako kung bakit ito ang naisipang gawing paunang kuwento, kalauna’y makikitang sa paglalarawan ng kapaligiran at pang-araw-araw na buhay sa looban, binabanghay nito ang magiging tagpo ng mga susunod pang istorya sa koleksyon. Binigyang boses at puso ni Reyes ang isang tauhang walang ginawa maghapon kundi ang maupo sa kanto na lugmok sa kumunoy na kinasadlakan. Kakatwang maituturing na sa kawalan ng tauhan — pati na rin ng mga kasamang tambay — ng magandang opurtunidad at kapangyarihan na pamunuan ang sariling landas, wala siyang tulak kabigin kundi pulos reklamo sa buhay. Magkalangkap sa naratibo ang mga aspirasyon at pag-aaglahi; B.) Kuwento ni Rey – hindi nalalayo sa nauna ang estilo ng pagkakakuwento. Coming-of-age naman ang pamamaraan ni Reyes dito na makikita kung papaanong namulat sa Rey sa kalagayang politikal ng bansa na tuwiran niyang naranasan. Sa taltlong katha na bumubuo sa Trilohiya, ito ang aking pinakanagustuhan dahil sa pailalim nitong sundot at pagpuna sa Batas Militar ni Marcos; C.) Isang Kuwento ng Pag-ibig – sa pamagat pa lang makikita na ang pang-unang tema ng ikatlong istorya: pag-ibig. Tunay man ang pagmamahalang nadarama sa isa’t isa ni Labo (isa uling tambay) at ni Ella ay di naman ito ukol sa panahon at tinututulan ng sirkumstansya’t tao sa paligid nila. Marahil, bago pa ang ganitong uri ng katha sa panahon nang isulat ni Reyes, ngunit kung titignan ito sa ngayon palasak na ang mga melodramatikong kuwento na tulad nito.
• Isang Lumang Kuwento (1973) — bakit kaya ito pinamagatan ng ganito ng may-akda? Sa aking pakiwari, hangga’t may mahirap at mga taong hikahos sa buhay sa ating bansa, tunay na di maluluma ang mga kuwentong gaya ng kay Simon. Patuloy pa ring maglalatay ang mga ganitong uri ng karanasan at kalagayan.
• Mula Kay Tandang Iskong Basahan: Mga Tagpi-Tagping Alaala (1975) — Maganda ang pagkakabalangkas, treatment at build up ng kuwento. Isinasalaysay ito mula ikalawang punto de bista (second point of view) ng isang taong lubos na nakauunawa sa pangunahing tauhan, si Tandang Iskong Basahan. Sa paglalarawan, pagkatao, katangian at papaano na rin agad paratanganang “baliw” ng mga tao, maraming pagkakahawig si Tandang Iskong Basahan kay Piliosopo Tasyo mula sa obrang Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Natatangi ang pangunahing tauhan dahil una’t huling pinaiiral nito ang dignidad at prinsipyo kahit pa man sa harap ng kahirapan, gutom o husgahan dili sampu ng kanyang mga kapitbahay at mga tao sa kanayunan. Hitik rin ang ikaltong katha ng simbilismo na siyang nakatulong sa kaigtingan upang maipadama sa mambabasa ang malalim na pagdadalamhati ng matanda.
• Araw ng mga Boldoser at Dapit Hapon ng Isang Bangkang Papel sa Buhay ni Ato (1976) — Madrama, oo, ngunit di maitatanggi na madadala ang mambabasa sa sinapit ni Ato. Isa muling coming-of-age pero mas matindi ang hagupit ng mensahe ng kuwentong ito kaysa sa naunang B.) Kuwento ni Rey mula sa Trilohiya; sukdulan ang pagkabasag ng kawalang muwang ng batang tauhan. Binaybay ng ikaapat na katha kung papaano nagagawang kumapit sa patalim ng isang tao bunsod ng desperasyon at malubhang kalagayan na nagtutulak sa kanyang upang gumawa ng masama laban sa kapwa.
• Utos ng Hari (1978) — sino bang mag-aaral ang di makauugnay sa naging karanasan ni Jojo? Ang ganitong palakad ng mga “nagdudunong-dunungang guro” ay di lang umiiral at masasaksihan sa Philippine Science High School sa kuwento kundi dinaranas din ng lahat ng estudyante sa kahit ano pa mang paaralan sa lungsod. Makulay at puno ng angst ang pagkukuwento. Sa katauhan ni Jojo nakatagpo ng kakampi at boses ang mga estudyante at nalaman nilang di sila nag-iisa sa nararanasang kabuktutan ng mga mapagharing-uri sa mga eskwelahan. Pinakapaborito ko ito sa kalipunan ng mga maiikling katha.
• Doon Po sa Amin — makikita pa rin ang mapaglaro at malikot na pagtuklas ni Reyes ng naratibo at ng iba pang paraan ng paglalahad ng istorya, at sa ikaanim na katha gamit ang monologue nilibak naman niya ang mga buktot na gawi ng mga empleyado’t mga taong nasa mataas na posisyon sa isang opisina na tanging huwad na pakikitungo lamang ang paraan upang pakibagayan. Muli, humugot ang may-akda ng di mapasisnungalingang tagpo buhat sa tunay na buhay.
• Mga Kuwentong Kapos (1979) — kulminsayon ng eksperimentasyon sa pagkukuwento ang huling katha na binubuo ng tatlong istorya ng mga tauhang nakilala ng nagsasalaysay. Halo-halong rekado ng emosyon ang inihain ni Reyes sa mambabasa: nakakatawa, nakalulungkot, nakakainis at nakakapanghinayang. Sa aking pagtataya, dama ang hilatsa ng post-modernism sa kathang ito. Sa tatlong istorya sa Mga Kuwentong Kapos matutunghayan ang iba’t ibang daan ng buhay, nand’yang paliko, pakanan o diresto. Saliw sa pamagat nito, naghahanap ang mambabasa ng mga kasagutan sa mga katanungang itinatanong niya rin sa sarili gaya ng naglalahad. Nakakadismaya mang sabihin, sa huli’y di dagli-dagling makahahanap ng kalutasan. Tunay nga na ang buhay isa ring kuwentong kapos.