Sa koleksyong Alipato, tinitipon ang mga bagong tula ni Benilda S. Santos sa Filipino, ang ilang tula niya sa Ingles, at ang mga piling tula mula sa Pali-palitong Posporo (1991) at Kuwadro Numero Uno (1996). Masusundan ng mga dati na niyang mambabasa ang pagtubo ng tula sa kanyang kamay, at matutuklasan ng ngayong pa lamang kikilala sa kanya ang kamangha-manghang imahinasyon nitong isa sa pangunahing makata sa Filipino. Nasasaklaw ng mga tula ang mga paboritong paksa ni Santos: pag-ibig at pagnanasa, ang karanasang babae, ang di-karaniwan sa buhay na karaniwan, ang kalikasang humihilom sa tao, ang buhay ng kalooban, at ang mga suliranin ng panahong kanyang kinabibilangan. Ipinapahayag ito sa pamilyar nang tatak ng mga tula ni Santos--matimpi, tuwid, lirikal, may siste, madamdamin, at pangahas.
Si Benilda S. Santos ay premyadong makatang Filipino at nagtamo ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas (2003), Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, at National Book Awards ng Manila Critics Circle.
Nagturo siya sa Ateneo de Manila University at naging tagapamuno ng Departamento ng Filipino ng Loyola Schools, dekana ng School of Humanities, at direktor ng Ateneo National Writers Workshop.