Sa Inyo na Lang ang “Proud to be Pinoy!”
Nakadarama ako ngayon ng lungkot, hindi ukol sa sarili kundi para sa isang tao. Naikuwento niya sa akin ang inaplayang call center kanina. Di raw siya nakapananghalian dahil sa tuloy-tuloy ang exam, ni wala raw pa-kape o kaya ay pa-Milo ang call center. Puro bendo machine ang makikita. Bukas, text na lang ang hihintayin kung nakapasa siya. Marami na siyang inaplayan, di ko na mabilang kung pang-ilan na ito.
Bakit daw kapag nangangailangan ng trabaho ang isang tao, ay saka pa dumarating ang iba pang problema? Tanong na walang sagot.
Siyempre, di ko alam kung anong isasagot. Naitanong ko na rin ito dati, noong mga panahong ni walang isa mang eskuwelahan sa Maynila ang tumatanggap sa akin. Ano ba ang kulang sa akin?
Nawalan daw kasi ng trabaho ang kanyang tatay. Naipangako raw niya na sa buwan ng May magkakatrabaho na siya, ngayon nagsimula na ang buwan ng June at matatapos na rin, wala pa rin siyang trabaho. Ayaw na raw niyang makita pang nagtatrabaho ang kanyang tatay kasi talagang matanda na.
Tapos siya ng kursong education. May eskuwelahang kumukuha sa kanya, 6,000 ang suweldo. Nakakainsultong suweldo!
Gusto kong maghimagsik!
Bakit ganitong kahirap maghanap at magkaroon ng trabaho dito sa Pilipinas? Isinumpa ba tayong mga Pilipino? Hanggang kailan ang pagtitiis? Bakit ganitong kalupit ang Pilipinas ang bansang ating sinilingang lahat? Kung sakaling may karapatan ang batang mamili ng kanyang bansang sisilangan, hindi-hindi ko talaga pipiliin ang Pilipinas. Minsan lang tayong mabubuhay at daraan sa mundong ito, bakit ganitong klase ng kahirapan sa buhay ang nararanasan natin? Marami naman sa atin ay Katoliko. Mapalad daw ang mahihirap kasi nasa kanila ng Panginoon. Paano ang mayayamang bansa?
Walang sariling lupa at bahay. Di napag-aral ang mga anak sa eskuwelahan. Walang pampagamot sa ospital. Walang makain. Walang trabaho. Walang dignidad. Ang pangit na mga alaalang ating dadalin sa kabilang-buhay. Sana’y wala talagang alaala sa kabilang-buhay. Sana’y wala na tayong gunita sa kung paano tayo nabuhay sa Pilipinas.
Nagkalat ang mga batang-lansangan sa kalsada na dapat ay nakasilong sa kani-kanilang mga bahay at nagsisimula nang pumasok sa paaralan.
Sandamukal ang matatandang nagkalat din sa kalsada at humihingi ng limos.
Kay raming nagbubungkal ng basura sa tapat ng mga fast food, restawran, karindera upang maitawid paparating na hapunan.
Kay raming naghahanap ng trabaho. At kung makahanap naman, kay baba ng suweldo at hindi makatao.
Saan ba talaga tayo papunta bilang isang bansa? Saan tayo gustong dalin ng ating mga pinuno? Saan at kailan matatagpuan ang ginhawa at maayos na buhay sa ating bansa?
Di kailangan ang talino upang solusyunan ang problema ng ating bansa. Buksan lang talaga nang maigi ang mga mata, kitang-kita na agad ang solusyon.
Marami sa ating mga politiko ay mayayaman kaya di nila alam kung paanong maging mahirap. Di sila nagiging politiko upang maglingkod sa bayan.
Ang para sa mahihirap, ninanakaw pa nila.
Sa inyo na lang ang “Proud to be Pinoy!”
Genaro R. Gojo Cruz's Blog
- Genaro R. Gojo Cruz's profile
- 97 followers

