Komplikadong Pag-ibig #17
Mahilig ka sa mga kuwentong mala-fairy tale kasi laging happy ending at laging nagsisimula sa once upon a time. Kaya ang love story mo, pinipilit mong maging isang fairy tale—isang ilusyon! Actually, di naman nangyari ang love story mo noong once upon a time, actually kanina lang nangyari habang natutulog ka sa sopa ng inyong barong-barong sa tabi ng mabahong ilog. Alam mong may pumasok sa inyong bahay. Guwapo ang lalaking mukhang prinsipe sa utak mo. Amoy mo siya tila dala-dala niya ang mga bango ng bulaklak sa hardin pero ang totoo, amoy-adik siya. Hingal na hingal siya at parang galing sa malayong lupain o palasyo. Inihanda mo ang iyong labi dahil ang alam mo hahalikan ka niya nang mariin at may pagnanasa. Handa kang ibigay di lamang ang iyong halik. Lahat-lahat na. Pero ang tagal, ngawit na ngawit ka na sa pagkukunwaring nahihimbing ka sa pagtulog. Gusto mong magising na ang prinsipe ang iyong unang masisilayan. Pero ang siste, di dumating ang inaasahan mong halik. At ang lokong lalaking prinsipe, ninakawan ka pa habang nagkukunwari kang natutulog. Tangay ang alkansiya mong nakalagay sa inyong damitan at maging ang isang kaldero ng kanin ng kasasaing mo pa lang. Malilintikan ka sa iyong ina pagdating galing sa tahian ng mga damit. Ang tanga-tanga mo talaga! Mahirap tanggaping ninanakawan ka nang alam na alam mo!
Genaro R. Gojo Cruz's Blog
- Genaro R. Gojo Cruz's profile
- 97 followers

