Komplikadong Pag-ibig #16
Di mo alam ang kaibahan ng pag-ibig sa awa. Kapag naaawa ka, pakiramdam mo, umiibig ka na rin. Sinong di maaawa sa kaniyang naghihintay sa iyo sa kanto nang mag-isa kahit madilim at bumabagyo? Sinong di maaawa sa kaniyang lagi kang pinauutang kahit alam mong maging siya ay gipit at kapos sa maraming bagay? Sinong di maaawa sa kanyang naibibigay sa iyo ang lahat ng materyal na bagay na gusto mo tuwing Pasko o kaarawan mo. Maging pati yata mga laman ng panaginip mo, alam at kaya niyang ibigay sa iyo. Berde ang paborito mong kulay kaya nakita mo kung paano rin niya ginawang berde ang kanyang buong buhay. Mahal mo siya kasi naaawa ka sa kaniyang sa iyo na umikot ang kanyang mundo. Sinong di maaawa sa kanyang nilalait ng marami sa taga-sa inyo na “kababaeng tao’y siyang sunod nang sunod” sa iyo? “Babaeng walang hiya!” “Babaeng parang mauubusan ng mga lalaki,” “Babaeng nanliligaw sa lalake!” Ikaw ang sanhi ng lahat ng masasakit na salitang ipinupukol sa kanya. Pakiramdam mo, tumatagos din sa iyo ang mga salitang ito. Ikaw rin ay biktima. Ikaw ay nakakulong. Hanggang kailan ka maaawa sa kaniya? Kailan mo malalaman na magkaiba ang pag-ibig at ang awa? Paano ba maiaalis sa puso ang awa na pinagbubukalan din ng lintik na pag-ibig?
Genaro R. Gojo Cruz's Blog
- Genaro R. Gojo Cruz's profile
- 97 followers

