May mga sandaling bumibitaw tayo sa ating pangarap sa buhay. Kasi feeling natin, ang tagal-tagal matupad. Pagod na tayo.
Bumitaw ako sa pag-aaral noong 2nd sem ng 1995 sa PNU. Feeling ko, totoo talaga na ang pagkatuto ay wala naman sa apat na sulok ng paaralan. Ang tunay na pamantasan ay ang labas ng pamantasan. Unahin ang kalam ng sikmura kaysa diploma na nakapatagal makuha.
Parang hulog ng langit ang biglaang pagdating ng aking bagong trabaho. Tanda ko, parang dalawang linggo ang aming training bilang waiter. Amerikano ang mga tagapagsanay. May allowance pa. May pin kapag highest sa quiz o kapag may nagagawang pambihira. Habang dumadami ang pins sa damit, magiging astig. Hanep ang performance!
Naisip ko noon, di ko na kailangang mag-aral. Kasi heto na, kikita na ko. Naiwan at may kumuha pa sa organizer ko noon kung saan nakalagay ang allowance ko, talagang sinusubok ako!
Pero sa training parang nag-aaral pa rin. Kinabesado ang iba’t ibang inumin/alak, resipe ng iba’t ibang pagkain, pati lasa o texture ng pagkain kung paano ide-describe sa mga umoorder, tawag sa iba’t ibang baso. Kung paano ibenta ang matumal na putahe at iba pa. Pero mas ayos na ito sa akin kaysa mag-aral sa pamantasan. Nag-aaral para kumita.
Kaya tumigil akong bigla, walang pasabi sa aking mga guro. Basta di na lang ako pumasok sa semester na iyon. Wala na akong ganang mag-aral. Walang-wala na.
Ilang buwan din akong nagtrabaho bilang waiter. Mas malaki-laki ang suweldo kaysa pagiging service crew. May tip pa tuwing gabi pagkauwi ko. Puyatan pero kapag bata ka parang di ka napapagod. Okay na ito sa akin. Di talaga para sa akin ang diploma.
Pero pagkaraan ng ilang buwan, tatlo o apat na buwan siguro, nagbawas ng empleyado ang restawran. Magugulat ka na lang iyung kasama mo kagabi sa duty, bukas wala na, pinaalis na pala, tinanggal na.
Sa pangalawang batch, napasama na ako sa tinanggal. Bumagsak ang mundo ko noon! Ganoon pala ang pakiramdam ng tanggalin bigla sa trabaho. Gusto mong maghiganti habang nararamdaman mo ang kawalan ng “sinabi” sa buhay. Tumaya ako sa Lotto noon sa Megamall.
Binalikan ko ang una ko talagang pangarap, ang makatapos ng pag-aaral. Pero ayaw na akong tanggapin noon sa PNU dahil sa aking record nga ng UW at INC. Kung gusto ko raw, makapag-enrol uli, makiusap daw ako sa President.
Makiusap sa President?
Siya ko namang ginawa. Si Dr. Salandanan ang President noon ng PNU. Nakiusap ako sa kaniya na tanggapin uli ako. At nangakong di ko na uulitin ang pag-UW ko. Pinagbigyan naman niya ako. Nahiya ako sa malumanay nilang pagsasalita.
Kaya ngayon, naniniwala talaga ako sa second chance. Sa bawat taong nagkakamali, bigyan natin ng second chance. Ibalik natin ang tiwala sa kaniya. Sino tayo para magpusong-bato sa taong nangangako na magbabago? Huwag natin silang pagsarahan ng pinto. Kailangan talaga ng isang taong walang-wala at lugmok ang isang taong magtitiwala sa kaniya upang makapagsimula, upang ibalik ang pangarap.
Ngayon sa tuwing makikita ko sa aking TOR ang mga UW at INC na ito, nangingiti ako. Kasi ang totoo, ito ang nagpabalik sa aking gustong mahawakang diploma at nagbigay ng aralin na kumumpleto sa akin bilang isang tao.
Makikita sa aking TOR ang mga UW at INC. At ito ang aking larawan bilang isang waiter noon.