Hermann Hesse

Hermann Hesse: Writers for the Seventies

Base sa diskusyon ni Edwin Casebeer, tila ba self-help ang kabuuan ng Siddhartha ni Hesse. Sa mga turong “Ikaw at ang sansinukob ay iisa,” sa praktika ng tamang paghinga, tila ba varayti ito ng “Kanluraning Budismo” na tinutuligsa ni Zizek, paraan ng paghiwalay sa karahasan ng kapitalismo para lalo pang mas episyenteng pagsilbihan ito. Sa ibang banda, aminado si Casebeer na wala ngang aksyon ang Siddharta. Hindi lang sa panahong ito ng TikTok at reels ito mahuhusgahan ito na nakakabagot. Nakakasuspetsa man ang nilalaman nito, ang anyo nito, kung gayon, ay mapagpalaya. (At isa pa, nauna pa pala si Hesse kay Zizek sa paghugpong sa Budismo at negosyo, kung ang Siddhartha ang pagbabasehan (30).)

Samantala, sa diskusyon ng Narcissus and Goldmund, ang dating ay panay kamanyakan ang nobela.

Kung ang sukatan ng husay ng isang pyesa ng kritisismo’y ay kung gaano katindi ang lebel ng pagnanasa, para basahin ang primaryang teksto, na binubuhay nito sa mambabasa, walang dudang mahusay ang libro ni Casebeer. Sa linggong binabasa ko ang kanyang akda, paulit-ulit akong tumitingin sa Amazon at Lazada para tingnan kung may available na kopya ng mga libro ni Hesse. Naiisip ko pa ngang isalin sa Filipino ang salin sa Ingles ng Siddharta, na natuklasan ko’y nasa Project Gutenberg. Ang pinakagusto kong basahin ay ang Magister Ludi, na noon ko pa naengkwentro sa mga gawa ni Walter Kaufmann. Ito kasi ang pinaka-“panitikan” ang atake, may mga teksto sa loob ng teksto pa (ang mga tula at “ejemplo” ni Knecht). (Ito rin ay bahagi, sa pagkakaintindi, ng ebolusyon ni Hesse. Mas nagiging sentral ang alagad ng sining sa Narcissus and Goldmund at Magister Ludi, kumpara sa Siddhartha at Steppenwolf.)

(Kung tama nga ang binanggit kong sukatan, ang pinakamahusay na kritikong nabasa ko, sunod kay David Lodge, ay si Zizek. Pag may inilalarawan siyang pelikula, lagi kong sinasabing papanoorin ko ito. Nga lang, sa mga nauna beses na nangyari ito, natuklasan kong masyado lang talagang pinupuri ni Zizek ang kanyang mga iniinterpreta, at lumalabas na kaya lang sila naging interesante ay dahil sa kanyang intepretasyon. Pero, hindi pa rin naman natitibag nito ang panukala nating sukatan. Ang dalawa pang kritikong lagi kong binabasa, sina Jameson at Eagleton, hindi talaga nagagawang hikayatin basahin ang mga primaryang teksto.)

Alam kasi ni Casebeer na pumili ng mga detalye na pupukaw sa kuryosidad ng mambabasa. Halimbawa, ang “guerrilla warfare” laban sa mga kotse sa Steppenwolf, at ang demonstrasyon ng Music Master kay Knecht sa Magister Ludi. Ang proposisyon niya sa mambabasa: hindi “ito ay importante,” bagaman importante nga si Hesse sa kanyang mga mata, kundi “ito ay interesante.” Gayundin, nabibigyang-diin niya ang mga imaheng paulit-ulit sa mga nobela ni Hesse, halimawa ang ngiti (“benign smile,” “wolfish grin”) (191).

Hindi sa puro lang puri si Casebeer kay Hesse. Hindi nga raw niya tinalakay ang Demian dahil ito ay “ruptured” at “split” (21). Hindi na lang niya sinabing, patay na naman si Hesse at hindi masasaktan ang damdamin.

Sa kanyang paunang salita sa libro, inilarawan ni Terence Malley, ang pangkalahatang editor ng serye, ang lapit ng mga kritiko sa mga awtor na tinalakay nila, iniwasan nga raw ng mga kritiko ang jargon (11). Ibig sabihin, isinulat ang gawang ito hindi para sa ibang akademiko, kundi para sa ordinaryong mambabasa. Ilang beses ngang binanggit ni Casebeer si Jung, pero hindi naman kailangang iskolar ni Jung, o ni Hesse, ang mambabasa para maintindihan ito. Mayroon din naman kasing bagahe ang mambabasa, kaya pag binanggit halimbawa ang “father world,” “mother world,” at “The Hanged Man,” nasasakyan niya ito. (Pinakamainam ang mga kategorya ni Jung sa diskusyon ng Goldmund, hindi nakakakumbinse sa Steppenwolf. Baka may epekto ang pagiging mahusay ng una at hindi ng huli.) Bibigyan ka rin naman ni Casebeer ng mga makakapitan. Halimbawa, “karunungan” para ang kahulugan ng “Veda” (28), ang “Goldmund” ay “ginintuang bibig” (113).

Gusto ko talaga ang pagiging tapat ni Casebeer. Aaminin niyang hindi naman siya iskolar ng sikolohiya ni Jung, o ng “orientalism” (22). Maalam siya sa literatura, pero hindi sa literaturang Aleman. Pero, 15 taon na raw niyang binabasa si Hesse, mula noong 1958, kaya siguro kahit papaano may masasabi siyang matino tungkol sa mga nobela nito. (Sa isang talakayan sa podcast ng Acid Horizon, sinabi ni Hannah Smart na siyam na beses na niyang binabasa ang Infinite Jest. May mga manunulat talaga na ayaw kang bitiwan.)

Hindi lang nga kasi mga kritiko at akademiko ang nagbabasa kina Casebeer, dahil hindi lang mga ganito ang nagbabasa kay Hesse. Kung paniniwalaan si Casebeer, daang libo ang bumili at nagbasa sa Siddhartha at Narcissus and Goldmund. Inspirasyonal ito, dahil hindi naman bumenta agad-agad ang mga gawa ni Hesse, kahit na ginarawan siya ng Nobel noon-noon pa. Kumbaga, “tinawag” ang mga ito ng kasaysayan. (Inspirasyonal din na 45 si Hesse nang simulan niyang isulat ang Siddhartha.)

Pag binabasa mo si Casebeer, sa simula ang impresyon ay ganito: na ang mga nobela ni Hesse ay hindi naman talaga nobela, at hindi rin naman pilosopiya, kundi pagtatangkang mamilosopo ng isang hindi naman dapat namimilosopo (i.e. isang nobelista). Ni minsan hindi ko naiisip na pagtatangka ang mga ito na sumulat ng nobela ng isang hindi naman talaga dapat nagsusulat ng nobela (i.e. isang pilosopo). Pero habang binabasa ko si Casebeer, naintindihan ko na mga nobela naman talaga ang mga libro ni Hesse. Sa totoo, halos sumusunod nga sila sa “beats” ng Save the Cat! ni Snyder (tingnan ang 92 at 101). May problema na akala ng bida’y sa mundo ng utak masosolusyonan, pero hindi, at mapupunta siya sa mundo ng kamunduhan, at akala niya ito na ang solusyon, pero hindi pa rin pala, kaya siya mauuwi sa mundo ng espiritu.

Ang sansinukob nga raw, ayon kay Casebeer, para kay Hesse, ay “may saysay” (20). Ito pa nga ay “harmonious” (24). Taliwas ito sa pamosong linya mula sa Macbeth, at siguro taliwas din para sa atin ngayon. “Patay” na nga ang Diyos, kahit sa Pilipinas, at ang tangi lamang posturang may dignidad ay ang pagiging sinikal.

Bahagi ang tomo ni Casebeer sa seryeng “Writers for the 70’s.” Ang dekada ‘70 na tinutukoy dito’y hindi dekada ‘70 natin, kundi ng Estados Unidos, ang panahon ng mga hippie at “kontra kultura.” Ang iba pang awtor na pinagtuunan ng humigit-kumulang 60,000 salita ay sina Tolkien, Vonnegut, Pynchon, at Brautigan. Nabasa ko ang Slaughterhouse Five ng ikalawa, at ang Vineland ng ikatlo (na hindi dekada ‘70 nalathala). Sa tingin ko’y ibang-iba ang dekada ‘70 ng Estados Unidos at Pilipinas. Sa huli, syempre, nasa hangin ang paniniwala na ang rebolusyonaryong pagbabago’y baka dalhin ng kahit aling bukang-liwayway. (Para matikman ito, basahin, halimbawa, ang Fortress in the Plaza ni Ty-Casper.)

Ang mga kritikal na gawa tulad ng kay Casebeer ay pwedeng basahin sa iba’t ibang paraan. Narito ang dalawa sa maraming pwedeng pagpilian: (1) debatehin kung tama o hindi tungkol sa paksa, sa kasong ito tungkol kay Hesse, at (2) debatehin kung tama o mali tungkol sa paksa, halimbawa tungkol sa sansinukob, tungkol sa kapangyarihan ng pagbabasa, o ng edukasyon, o ng nobela, tungkol sa tungkulin ng unibersidad sa lipunan. Ang panganib, o ang mahirap gawin, ay ang paghimay ng alin sa alin: alin ba ang mga panukala ni Hesse, at alin ang kay Hesse lang. Noon may nabasa ako tungkol kay Kojeve, na hindi naman talaga pilosopiya ni Hegel ang kanyang pinaksa sa kanyang mga pamosong seminar, kundi ang sarili niyang pilosopiya. Pilosopiya sa pamamagitan ng pagpapaliwanag. Pakiramdam ko ito rin ang ginawa ni Nehamas sa kanyang Nietzsche: Life as Literature. Kumbaga, gusto ni Nehamas na itulak ang ideolohiyang literatura ang buhay, at nagkataong naroon si Nietzsche at ang mga gawa ni Nietzsche na pwedeng gamitin para ipaliwanag ang posisyong ito. Syempre pa, hindi naman nag-imbento si Nehamas ang mga sipi, hindi tulad ng AI, at wala naman siyang insinserong pagbabaliko ng mga salita ni Nietzsche. Pero ang lumabas na libro ay hindi Nietzsche kundi Nehamas-Nietzsche. Kung sabagay, pwede nating itanong kung posible bang maging kritiko at eksplikador nang hindi kinukubabawan ang iyong awtor na ginagawan ng interpretasyon. Ang tanging pwedeng gawin ng mambabasa ay basahin ang primaryang akda para tingnan kung tama ka nga, at hindi niya iyon gagawin kung hindi mo siya (ang mambabasa) nakumbinse na nakapahusay niya (ng awtor). Dalawa ang pwedeng mangyari pag binasa ng mambabasa ang primaryang teksto ng awtor: matutuklasan niyang tama ang kritiko, o imbentor ang kritiko. Laging lugi ang kritiko sa kasong ito.

Kung gayon, ang maging kritiko ay ang maging mapagpakumbaba. Ibang manunulat ang nasa sentro kahit gaano kaorihinal ang sasabihin mo. Siguro ang historikal na kritiko, pwedeng maiwasan ito. Kasi nga, ang punto naman ng kanyang gawa’y ilagay sa tamang konteksto si ganito at ganyan. Lalo na kung komparatibong literatura ang disiplina. Ang kasaysayan naman ang nagiging sentral dito, imbes na ang awtor, at mapupuri ang kritiko bilang awtor. Ang kaso, isang araw darating ang kritiko na ilalagay din ang historikal na kritiko sa kanyang konteksto. (Hindi sa laging kawawa ang kritiko. Na-shade nga ni Casebeer si Wordsworth: hindi man maganda ang kanyang mga tula, interesante naman ang kanyang mga ideya (194).)

Dalawa kung gayon ang kailangang patunayan ni Casebeer. Una, na naniniwala nga si Hesse na may saysay ang sansinukob. Pangalawa, na may saysay nga ang sansinukob. (Syempre pa, kailangang idiin na pareho nilang tinutuligsa ang posisyon ng sining para sa sining, ito nga ang “kasalanan” ng Castalia, ang utopia para sa mga siyentista, artista, matematiko, musikero sa Magister Ludi. Ang anyo at nilalaman ay iisa kay Casebeer, demonstrasyon nito ang kanyang pagsusuri sa estilo ng pag-uulit ni Hesse sa unang talata ng Siddhartha.) Nagawa ni Casebeer ang una, at, kung hindi man ang pangalawa, naipaliwanag naman niya kung bakit mintis o maling hakbang ang nihilismo. Inamin naman ni Casebeer sa simula ng kanyang libro na minsan ay wala siyang sagot, na gusto niyang tunghayan ng mambabasa ang kanyang pakikipagbuno sa mga tanong. Kaya, siguro, ang mas importanteng tesis ang naipagtanggol ni Casebeer, na walang katapusan ang pag-iisip, ang pagtatanong. Marahil pwede nating tapusin ang rebyung ito sa pamamagitan ng malayang salin sa ilang sipi mula sa Siddhartha: “Sa lilim ng bahay, sa sinag ng araw sa pampang malapit sa mga bangka, sa lilim ng gubat, sa lilim ng igos, doon lumaki si Siddhartha, ang gwapong anak ng Brahman, ang batang halkon, kasama ang kaibigan niyang si Govinda, na anak ng Brahman. Ginawang kayumanggi ng araw ang kanyang maputing balikat sa pampang ng ilog habang naliligo siya, habang isinagawa niya ang mga sagradong ablusyon, mga sagradong pag-aalay. Kasama ang mga puno na mangga, nililiman ang kanyang mga itim na mata, noong naglalaro siya, noong umaawit ang kanyang ina, noong isinagawa ang mga sagradong alay, noong tinuruan siya ng ama niyang iskolar, noong nag-uumpukan ang mga madunong. Matagal nang nakikibahagi si Siddhartha sa talakayan ng mga madunong, nagsasanay ng debate kasama si Govinda, nagsasanay kasama si Govinda ng sining ng pag-iisip, ng meditasyon. Alam na niya kung paano bigkasin nang tahimik ang Om, ang salita ng mga salita, kung paano ito tahimik na sabihin sa kanyang sarili paloob habang humihinga paloob, kung paano ito sabihin nang tahimik sa kanyang sarili palabas habang humihinga palabas, nakatuon dito ang kanyang kaluluwa, ang kanyang noo’y binabalot ng liwanag ng espiritung malinaw mag-isip. Alam na niya kung paano damdamin ang Atman sa kailaliman ng kanyang kalooban, hindi magiba, kaisa ng sansinukob.” Hindi na ngayon makakapaglathala ng nobelang ganito, dahil hindi maibebenta. Ang mga ganitong hirit ay matatagpuan siguro sa seksyon ng self-help sa kakaunting tindahan ng libro. Syempre pa marami namang libro, at video sa YouTube o TikTok, na handang magturo sa iyo kung paano tamang huminga. Ang mahirap hanapin ay iyong mga nobelang ganito ang takbo ng mga pangungusap, maligoy pero may patutunguhan, may direksyon. (Kailangan nating maging maingat. Hindi pwera nakakabagot ay karapat-dapat nang basahin. Pero, pwede din kasing sabihing ang punto ng pagbabasa ay para mabagot, bilang kontra sa ekonomiya ng atensyon na bumabagabag sa kontemporanyong lipunan.) Baka ito ang pinakamainam na sabihing tesis ni Casebeer: dapat basahin si Hermann Hesse. Matagumpay niya itong naipagtanggol.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 19, 2026 09:38
No comments have been added yet.


U Z. Eliserio Reviews

U.Z. Eliserio
Review ng mga librong binabasa ko.
Follow U.Z. Eliserio's blog with rss.