Paghuhukom

(Tula)


babalikwas ang mga kalansay

sa kanilang mga nitso at hukay

iwawasiwas malagablab na mga sulo

ng maalinsangang madaling-araw

at iduduldol mga dila ng apoy

sa inuuod na mga mansiyon at palasyo

tutupukin mga diyus-diyosan, eskribano’t pariseo

silang sumalaula sa kanilang tinapay at buhay

silang dumapurak sa kanilang dangal at pagkatao

silang ngumatngat sa kanilang laman

at lumaklak sa kanilang dugo

sa kuta ng mapang-aliping mga makina

at palayan at tubuhang walang hanggan

silang nandambong sa kanilang kanin

at kapirasong ulam sa mesa ng kapighatian

silang nagkait sa kanila

ng mabulaklak na kinabukasan

sa luntiang hardin ng mumunting pangarap

silang ninakaw sa kanilang mga puso

matimyas at dalisay na pagmamahal

sa mapayapa’t marangal na buhay.


oo, babangon at babangon

mga kalansay ng kinitil na mga pangarap

babalikwas mga kalansay ng naunsiyaming pagsamba

sa ginintuang araw at mabining haplos ng amihan

makikinig sila sa oyayi ng mabining agos ng ilog sa kaparangan

at hosana ng mga ibon sa kasukalan

habang hinahabol ng mga mata

naglalakbay na balumbon ng puting ulap sa kalawakan.

kasama ng humpak na mga pisngi

ng impis na mga dibdib na hitik sa ngitngit

at nagpupumiglas na butuhang mga bisig

ng mga kadugo’t kauring nakabartolina

sa bilangguan ng dalita’t dusa…

lahat sila’y sasalakay sa moog ng inhustisya

at nakasusukang pagsasamantala

sa bulok na lipunang mga panginoon

namanhid ang budhi at mukha

sa dagok at sampal ng ginto at pilak

at hindi naririnig, hindi nadarama

tagulaylay ng mga sawimpalad

at daing ng mga pusong ginutay ng dusa.


oo, humanda na kayo at kabahan

kayong mga impakto’t kampon ng kadiliman

kayong walang mahalaga kundi sikmura ninyo’t bulsa

kayong walang malasakit sa inyong mga aliping sinamantala

babalikwas at babalikwas

mga kalansay ng mapagpalayang mga layunin

at sagradong mga adhikain

paglalagablabin ang milyun-milyong sulo

tutupukin hanggang maging abo

palalo ninyong mga mansiyon at palasyo

at wala kayong pagtataguan

dahil ipagkakanulo ng alingasaw ng inyong katawan

inyong mga lunggang kinaroroonan

ituturo ng naghihimagsik na sikat ng araw

o maging ng nagrerebeldeng mukha ng buwan

sa darating na araw ng paghuhukom

maging ang butas ng inyong puwit

maging ang hibla ng inyong buhok

maging ang bulbol ng inyong puklo

at silang  dati ninyong mga aliping inagawan ng dignidad

sila naman ang titibag ng inyong hukay

upang ilibing kayo nang buhay!


 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 17, 2015 12:00
No comments have been added yet.