Kanina’y bigla kong nabigkas
ang iyong pangalan,
di ko inaasahan
tulad ng sandaling nakagat
ko ang aking dila.
Ngayo’y tiyak, ikaw
ang nasa aking isip
sa sandaling ito
na buong-akala ko’y
tuluyan ko nang nalimot.
Kailan ko ba huling binigkas
ang iyong pangalan?
Di ko na tanda, marahil
isa sa maraming gabing
nadatnan kitang nakahiga
sa ating kama, nakatalikod
ka, ibubulong ko sa iyo
ang kay timyas mong pangalan.
Haharap ka sa akin.
Lagi ka namang nasosorpresa
at yayakapin mo akong
tila kay tagal nating di nagkita.
Kanina’y bigla kong nabigkas
ang iyong pangalan,
at kanina hanggang ngayon
naramdaman ko ang lumbay,
matagal-tagal na rin pala
itong aking pag-iisa.
Genaro R. Gojo Cruz
Published on April 01, 2013 23:04