Komplikadong Pag-ibig #14
Noong malaman kong umuwi ka sa Mindoro, naranasan kong mamatay. Ganoon pala ang mamatay. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nawala ang aking pakiramdam. Walang natira kahit isa. Ayokong mabuhay! Lahat ay agad kong ginusto. Gusto kong biglang mag-cosplay gayong alam kong inis na inis ako dati sa mga nabubuhay sa ilusyong ito. Ang problema ko lang, sino ang …gagayahin kong karakter? Anong kapangyarihan ang gusto kong taglayin? Saan ako magpapatahi ng costume? Saan mura? Mayroon ba sa Divisoria? Gusto ko ang kapangyarihan na nakamamatay. Gusto kong may hawak na gulok para pagtatatagain ko ang mga taong may pareho sa iyo, na pareho ng iyong lakad, ng iyong mukha, ng iyong mga mata, ng iyong boses. Pero sinong karakter ang may dalang gulok? Baka magmukhang Andres Bonifacio lang ako na nawalan ng dangal. Gusto kong itim lahat ang aking gamit. Ayoko ng ibang kulay. Gusto ko itim. Gusto kong magpa-tattoo ng impiyerno! Alam kong naka-itim ka noong uli tayong nagkita. Pati yata budhi mo, itim din. Bakit di mo nagawang maawa sa akin? Bigla akong naging interesado sa Mindoro. Hahanapin kita kahit saang lupalop man ng mundo. Hayop ka! Kapag nagkita tayo, ipararanas ko rin sa iyo kung paanong mamatay!
Genaro R. Gojo Cruz's Blog
- Genaro R. Gojo Cruz's profile
- 97 followers

