Mag-Isip-Bata sa Pagsulat ng Kuwentong Pambata
Isip-bata ka talaga!
Medyo masakit masabihan nito, kasi ang ibig sabihin, parang di ka nag-iisip nang angkop o batay sa iyong edad.
Kapag sinabihan ka ng “isip-bata,” maaaring nagiging balat-sibuyas ka, nagiging asal-bata at hindi katanggap-tanggap ang iyong kilos bilang isang may gulang at sapat na ang kakayahang umintindi sa mga bagay-bagay.
Sa pagsusulat ng kuwentong-pambata, mahalaga ang pagkakaroon ng “isip-bata” ng manunulat, lalo na kung isang bata ang magiging pangunahing tauhan.
Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata. Pero sa maraming taong nakalipas, inaalis ng ating mga karanasan sa buhay ang taglay nating kainosentahan. Kasabay ng ating paggulang, lumalawak at lumalalim ang pag-unawa natin sa mga nagaganap sa ating buhay at maging sa ating kapaligiran. Kasabay ng ating pagiging matalino nawawalan na ang ating kawalang muwang sa buhay.
Dito pumapasok ang kahirapan sa pagsusulat para sa mga bata. Dahil tiyak kung sino ang target na mambabasa ng anyong ito ng panitikan, ang mga bata, mahalagang marinig, makita at maramdaman mismo ng mga batang mambabasa ang kanilang sarili sa loob ng kuwento. Mahalagang nagagawang salingin ng kuwento ang mga pandama ng isang bata. At nagagawa ito ng mga manunulat na alam kung paano maging bata sa pagkukuwento.
Sa ilang baguhang manunulat ng mga kuwentong-pambata, na hitik na mga karanasan noong bata, ang malimit na nangyayari ay ikinukuwento nila ang mga ito nang sila ay matanda na, ngayong may gulang na sila. Kaya ang madalas na nangyayari, bagaman bata ang kanilang tauhan at kinakategorya nilang kuwentong-pambata ang kanilang isinulat, maririnig o mararamdaman sa kanilang kuwento na silang manunulat na matanda ang nagsasalita. Bumibigat ang kuwento para sa mga bata. Kung minsan ay nagiging soap opera pa ang dating na puno ng iyakan at halos di na makaahon sa lungkot at kahirapan ang batang tauhan.
Bilang isang manunulat para sa mga bata, ito ang lagi kong sinisikap na gawin sa pagsusulat. Kung may isa akong mabigat na paksang gustong isulat, halimbawa kahirapan o paghihiwalay ng mga magulang, iisipin ko ng paano ito maaaring tingnan o iproseso ng isang bata. Paano kaya tiningnan ng isang bata ang kahirapan ng kanilang pamilya? Paano kaya inuunawa ng isang bata ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang?
Ang totoo, tumatagal ako sa prosesong ito. Ilang buwan ko itong pinag-iisipan kung minsan inaabot pa ng taon. Hanggat di ko ganap na nakukuha ang isip ng bata sa aking planong materyal, di ko ito isinusulat. Nakatutulong nang malaki sa prosesong ito ang pakikisalamuha mismo sa mga bata. Sab inga, mahalagang may tenga sa mga bata ang mga gustong magsulat para sa mga bata.
Noong magturo ako sa mga batang-lansangan noong 2003, nakita ko kung paano sila maging masaya sa buhay. Ang pangarap nila ay parang good for one day lang. Basta bahala na bukas. Ang mahalaga ay ngayon, na makakain sila, na makapaglaro sa plaza sa tapat ng Binondo Church, makalangoy sa Ilog Pasig, makapagpaligsahan sa pagsayaw ng Ispageti Pababa o ng Otso-Otso.
Malaki ang naitulong sa akin ng karanasang ito bilang manunulat para sa bata. Nagbukas ito ng ideya sa akin na ang kuwentong-pambata ay mahalagang maging masaya kahit pa kay bigat ng paksang tinatalakay nito. Lagi kong iniisip at sinisikap na maging masaya ang mga batang mambabasa habang natutuhan nila ang mga di ko sinasabing halagahan (values) sa aking kuwento.
Kaya isang malaking hamon sa mga gustong magsulat para sa mga bata ang pagkuwentuhin ang mismong bata sa kanilang loob. Balikan ang isang karanasan at kung paano talaga nila ito tinitingnan noong bata pa sila. Sa ganitong paraan, makauugnay at makauugnay ang mga batang mambabasa dahil batang-batang ang kuwento at may kakayahan salingin ang kanilang mga pandama.
Ayon nga sa awiting “Itanong Mo sa mga Bata” ng grupong ASIN, Masdan mo ang mga bata, ikaw ba’y walang nakikita sa takbo ng buhay nila.
Bilang matatanda na nais magsulat para sa mga bata, huwag nating kaligtaang pagmasdan ang mga bata, dagdagan natin ng kulay at saya ang pagtingin nila sa buhay.
Genaro R. Gojo Cruz's Blog
- Genaro R. Gojo Cruz's profile
- 97 followers

