ALAY SA BAYANING MANDIRIGMA

(Sa ika-152 kaarawan, Nob. 30, ni Gat. Andres Bonifacio)


sa mahigit na tatlong daang taon

inalipin ka, ikaw, indio, ng ating la tierra pobreza

dumaong sila mula sa banyagang dalampasigan

silang puting mga panginoon ng dusa’t inhustisya

upang itarak sa iyong puso’t isipan

espada at krus para ika’y pagharian

ginayuma ka, indio,

ng maningning at maringal na mga templo

upang sumamba ka’t manikluhod

habang isinisiksik sa pandinig at utak mo

mahabagin ang diyos sa mga gaya ninyo

ngunit lagi kang nananangis, indio

at pumapailanlang sa simoy ng amihan

melodiya ng pagdurusa’t panambitan

ginawang kalabaw ang iyong mga anak

sa mga lupaing kanilang kinamkam

ginawang martilyo’t turnilyo bisig ng iyong mga supling

sa kanilang pabrikang gilingan ng laman

sinakmal sinaid di masukat mong yaman

ipinulupot sa iyong leeg at katawan

tanikala ng kaalipinan at karalitaan

parang mga tunog ng tambol sa karimlan

hinagpis ng mga kaluluwang nilapastangan

at karapatan mo lamang noon

oo, indio, ang manangis at mamatay.


ngunit “di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”

at nagsayaw ka, gat. andres bonifacio

sa lagablab ng apoy na sinindihan

ng mga aninong kalansay na ngayon

hanggang tuluyang sumilakbo ang iyong puso

at marahas na rumagasa ang iyong dugo

hanggang sa karimlan ng gabi

ikaw at ang mga kapatid mong magigiting

ay walang humpay na naglamay

upang ititik ng inyong mga dugo

sa naninilaw na damuhan ng pag-asa

sa nabaog na mga burol at sabana

banal na layuning sintang baya’y mapalaya

gilitan ng leeg ang mang-aalipin

oo, gat. andres bonifacio

pataksil ka mang pinatay ng mga kampon ng dilim

bayani ka pa ring mandirigma ng kalayaan at pagsinta

at sa puso nami’y lalagi kang dakila

mamumulaklak, magniningning, hahalimuyak

magiting mong mga alaala

lalo’t pinakasisinta naming la tierra pobreza

sakbibi ngayon ng bagong mga panginoon

ng lagim at dusa’t inhustisya

at, oo, tungkulin naming ituloy ang pakikibaka.


oo, bayaning mandirigma ng patria adorada

huwag kang manimdim

magbabanyuhay rin ang iyong mithiin

magsasanib ang ating mga adhika

at di mapipigtal ng mga panahon

mga bulaklak ng lunggating sa dibdib bumukad

mga talulot iyon ng sanlaksang gumamela

lebadura sa panata ng madugong pakikibaka

kaming mga kapatid mo sa uri’t pagmamahal

ay magsasayaw pa rin sa lagablab ng apoy

ng sigang inyong sinindihan noon pa man

magsasayaw kami tulad ng zulu ng timog aprika

tulad ng mga inca ni manco capac

sa imperyo ng tahuantinsuyo

tulad ng mayan ng chiapas, yucatan at tabasco

ng sibilisasyong mesoamerikano

palasong maglalagos sa aming puso

titig ng mga matang inaapawan ng luha ng dalamhati ng lahi

maglalandas sa aming mga ugat ngitngit ng butuhang mga bisig

himagsik ng impis na mga dibdib

oo, sa lagablab ng apoy ng iyong mga alaala

patuloy kaming magsasayaw

hanggang isabog ng mga alipato maningning na pag-asa

hanggang isakay ng mga dahon matimyas na pagsinta

hanggang hinahabol ng sumisingasing na hininga

layang ibinartolina ng mga panginoon ng dusa

di mamamatay ang apoy ng iyong mga alaala

di mapipigilan ng daluhong ng mga punglo

mula sa kuta ng pagsasamantala’t inhustisya

lagablab ng apoy ng iyong pagsinta

para sa pinakamamahal nating la tierra pobreza!


 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 29, 2015 04:13
No comments have been added yet.