Hinostage Ko ang Aking Sarili

Hinding-hindi ko malilimutan ang nangyaring pag-hijacked ni senior inspector Rolando Mendoza ng Manila Police District sa isang tourist bus noong Agosto 23, 2010 sa makasaysayang Rizal Park. Ang hostage taking incident ay tumagal nang halos sampung oras at nasaksihan ng buong mundo. Lulan ng bus ang dalawampu’t limang tao–dalawampung turista, isang tour guide mulang Hong Kong at apat na Pilipino. Walang akong pakialam sa walong dayuhang turistang pinaslang dahil tiyak namang nabuhay silang kompleto at masaya dahil sa maganda nilang buhay sa kanilang bansa. Sa katunayan, narito sila ng Pilipinas upang magliwaliw. May higit akong pakialam sa kapuwa Pilipinong inalisan ng pangarap, ng buhay at kabuhayan. Paano nga ba maipagtatanggol ng isang karaniwang mamamayang Pilipino ang kanyang sarili laban sa di makatarungang pagtatanggal sa kaniya sa trabaho? Paanong gagawin ang pagmamakaawa nang hindi nagmumukhang pulubi, patay-gutom, o hampas-lupa?

Hinding-hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon sa buhay ni Mendoza dahil sa mga panahong iyon nasa ganoon din akong sitwasyon. Nakatakda akong maging full time faculty sa isang pampublikong pamantasan. Kay tagal na ang alok na ito kaya nagdesisyon akong tanggapin na. Ngunit dumating ang isa pang alok buhat naman sa isang pribadong pamantasan para gawin akong full time faculty. Sa natanggap ko tawag, ganito ang sinabi, “Ok ba sa ‘yo Gene, kung gagawin kitang fulltime.” Parang siyang-siya talaga ang may-ari ng pamantasan. Parang talagang siya ang may kapangyarihang i-full-time ako. Sino ang tatanggi sa alok na ito? Sa likod ng utak ko, kailangan sigurong madagdagan ang full time dahil sa pangangailangan sa PAASCU. Malinaw na gamitan ito!

Sinisi ko pa noon ang Diyos. Kung bakit kapag nagbukas ng bintana, dala-dalawa pa. Kay hirap mamili. Pinili ko ang pangalawa dahil sa malaking suweldo. Nilakihan ko na rin ang aking mga pangarap at mga balak ipundar sa buhay.
Pero bago matapos ang isang taon ng aking pagiging full time, sinabihan na akong di ako magpapatuloy sa aking istatus. Kaya balik sa dati, naging maliliit uli ang aking mga pangarap. Wala namang problema sa akin.

Marami raw nakitang problema sa akin—attitude, work ethics, puro “raket” daw ang inaatupag at kung ano-ano pa. Ayos naman sa akin ito. Sa katunayan, naniniwala nga akong may attitude problem ako. Di ko kasi kayang itago ang lahat ng ito. Mas maaga gusto kong makilala na nila ako kung sino ako, kaharap man nila o hindi. Pero may pakunsuwelo naman siya, si Genaro Gojo Cruz naman na raw ako at tiyak na may maganda naman akong kahihinatnan. Pero may pangako, ibabalik raw ako sa aking istatus pagkaraan ng isang termino (kulang sa apat na buwan ang isang termino). Kailangang patunayan ko lang raw na may maitutulong at karapat-dapat ako. Iyon ang pinanghawakan ko. Naniwala ako sa pangakong iyon. Para akong batang naniwala sa isang pangako. Parang batang pinangakuang ibibili ng kendi. Ngunit natapos ang isang termino nang walang natupad. Dito ako nagkaroon ng problema!

Tinabangan ako sa pagtuturo noon. Pakiramdam ko, naisahan ako. Naloko. Pero nasa katinuan naman ako, hinding-hindi ko gagawin ang ginawa ni Mendoza na gumanti sa ibang tao. Naawa ako kay Mendoza. Dama ko ang kaniyang pinagdaanan. Paano nga ba ang gumanti? Paanong rumesbak? Ako may “iba pang” puwedeng puntahan at pagkakitaan para mabuhay nang may dangal.

Naisip kong i-hostage ko kaya ang sarili ko. Paano nga ba hino-hostage ang sarili? Paano sinasaktan ng sarili ang kanyang sarili. Tiyak na malilito ang mga pulis. Sino ang kanilang kakausapin? Ang tanong, mayroon bang ibang may pakialam sa akin. Naku nakakahiya kung walang pumansin sa akin. Paano ko isisigaw ang galit, “Sige pumasok kayo, papatayin ko ang sarili ko!” Mukhang katawa-tawa iyon!

Pinaglalaruan ko na lang ang ideyang pag-hostage sa sarili. Natatawa ako sa mga naiisip ko. Weird na talaga ako! Mahirap kausap. Mahirap maintindihan!

Sa karanasang ito, may mga natutuhan ako. Kapag gusto ka, gagawan ka ng paraan. Pero kung ayaw sa iyo, wala na. Kailangang sundin ang nasa faculty manual. Walang exemption sa rules. At kung gusto ka, gagawa ng bagong rules para ma-accomodate ka at maging full time permanent.

May mga pangako talagang puwedeng di tuparin o i-deny ng isang tao nangako. Kaya ang aral: huwag umasa sa pangako dahil kung minsan, ito ay napapako!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 09, 2013 22:05
No comments have been added yet.


Genaro R. Gojo Cruz's Blog

Genaro R. Gojo Cruz
Genaro R. Gojo Cruz isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Genaro R. Gojo Cruz's blog with rss.